MSMEs Pinatutukan ni Aquino vs Panggigipit, Korapsiyon sa lahat ng ahensiya

Ni Ernie Reyes

Hinikayat ni Senador Bam Aquino ang gobyerno na gumawa ng matibay na hakbang upang protektahan ang icro, small, at medium enterprises (MSMEs) mula sa panggigipit at korapsyon na nakakaapekto sa kanilang operasyon at kabuhayan at lumilikha ng pangamba sa mga negosyante.

Ayon kay Aquino, author at principal sponsor ng Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act, dapat maging kaalyado at kanlungan ng MSMEs ang gobyerno, na bumubuo sa 99 porsiyento ng mga negosyo sa bansa.

“Iyong maliliit na negosyante, sila iyong pinaka-natatakot kapag nilalapitan sila. Our micro and small enterprises. Feeling nila, walang mapuntahan, walang mahingan ng tulong,” sabi ni Aquino sa Senate Blue Ribbon Committee probe tungkol sa umano’y maling paggamit ng Letters of Authority (LOAs) at Mission Orders (MOs) ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

“Sila iyong pinakatakot na takot kapag merong nangongorap po sa kanila,” diin niya.

Sinabi ni Aquino na nakatanggap siya ng maraming reklamo mula sa MSMEs at pati na rin sa iba’t ibang chambers of commerce sa buong bansa tungkol sa abusadong BIR personnel na gumagamit ng LOAs para mangikil.

“In the previous campaign this year, sa lahat po ng naikutan ko, local chamber, Philippine chamber, Chinese chamber, ito man ay sa probinsiya o dito sa siyudad, grabe talagang ang complaints ng mga negosyante pagdating sa BIR at sa LOA. Paulit-ulit po yan. Iyong mga LOA, iyong mga assessment, walang basehan,” wika niya.

Dagdag pa ni Aquino, maraming MSMEs ang natatakot magsalita dahil sa takot na balikan ng mga tiwaling BIR personnel, na lalong nagbubukas sa kanila sa panggigipit, pagsasamantala, at abusadong audits.

Binanggit din niya ang posibilidad na may ilang negosyo na nakatanggap ng LOAs na wala sa opisyal na talaan, na nagpapahiwatig na maaaring peke ito at posibleng inisyu ng tiwaling BIR officials.

“Kung may natanggap na LOA na wala naman sa listahan ito, hindi ‘yon totoong LOA. May nag-i-scam sa inyo. And these fake LOAs might actually come from officials of BIR,” paliwanag ni Aquino.

Upang maprotektahan ang MSMEs, iminungkahi ni Aquino ang mas mahigpit na transparency measures, kabilang ang pagsasapubliko ng lahat ng LOAs para matukoy ng mga negosyo kung lehitimo ang isang audit order at maiwasan ang pekeng kautusan.

“If we have this level of transparency, palagay ko maraming mahikayat na maglabas din ng kanilang kwento pagdating sa panggigipit o pagdating sa pangingikil,” sabi niya.

Hinikayat din ni Aquino ang BIR na suriin ang audit data sa nakalipas na mga taon upang malaman kung may mga taxpayer na naging paulit-ulit na target o pinaboran.

Iminungkahi rin niya na alisin ang kapangyarihan ng Regional District Offices (RDOs) na malayang pumili ng audit targets at pagpapatupad ng tunay na random audit system upang matiyak ang patas na proseso at maiwasan ang selective targeting.

Pinuri ng senador si BIR Commissioner Charlie Mendoza sa pag-isyu ng direktiba na lahat ng LOAs ay dapat munang aprubahan ng Commissioner, sa pagsasabing nagpapalakas ito ng oversight, tinitiyak ang pananagutan, at binabawasan ang posibilidad ng pang-aabuso.

Isinulong ni Aquino ang pagsasabatas ng Go Negosyo Act sa kanyang panahon bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

Ang batas ay nagbibigay sa MSMEs ng mas madaling access sa merkado at financing, nag-aalok ng training at capacity-building programs, at pinapasimple ang proseso ng business registration para sa mga negosyanteng nagsisimula o nagpapalaki ng kanilang negosyo.