Mahigit P1.6 Milyong Halaga ng Pinaghihinalaang Kontrabandong Sigarilyo, Nasabat sa Basilan at Tawi-Tawi
Ni Tito Lucas
NASABAT ang mahigit 1.6 milyong piso na halaga ng pinaghihinalaang kontrabandong sigarilyo sa magkahiwalay na operasyon sa Basilan at Tawi-Tawi nitong Disyembre 5 at 7. Ang mga ito ay daan-daang rim at master cases na iniwan ng mga umalpas na sakay o nakatiwangwang sa isang pantalan.
Sa Basilan, narekober ng mga otoridad ang iba’t ibang tatak ng sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php709,140 mula sa isang walang markang Jungkong-type na pumpboat na naharang malapit sa Taikila Island. Nakatanggap kasi ang Basilan Maritime Police Station ng tip mula sa isang Coastal Barangay Information Network source ukol sa isang pumpboat na may lulang pinaghihinalaang kontrabando mula sa Tongkil Island at papuntang Maluso.
Nang bandang alas-10 ng gabi, pinahinto ang nasabing sasakyang-dagat, ngunit mabilis na tumakas papuntang pampang ang mga sakay nito at iniwanan ang pumpboat na takip ng itim na trapal. Kabilang sa mga narekober na sigarilyo ang 399 rim ng GIFT, 100 rim ng Y5, 50 rim ng ASTRO, 44 rim ng Bravo, at 43 rim ng VX. Nakuha rin ng pulisya ang pumpboat na tinatayang nagkakahalaga ng Php70,000, kasama ang isang flashlight, mga sandalyas na Crocs, at isang brown na jacket. Nananatili sa Basilan Maritime Police Station ang mga nasabat na gamit para sa karagdagang imbestigasyon at inaasahang itaturnover sa Bureau of Customs sa Isabela City.
Makalipas ang dalawang araw sa Tawi-Tawi, natagpuan naman ng isang pinagsanib na patrol na may suporta ng Bureau of Customs Sub-Port Bongao ang 18 master cases ng pinaghihinalaang kontrabandong sigarilyo na nakatiwangwang sa Gabbang-Gabbang Mini Port sa Bongao. Ang nasabing haul na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1,031,400 ay binubuo ng mga tatak na Astro Red, Berlin Red, Premium Gold, at Sakura White.
Inilipat na sa Customs Sub-Port Bongao ang mga narekober na sigarilyo para sa dokumentasyon at angkop na aksyon. Ayon sa mga otoridad, ipinapakita ng sunud-sunod na operasyong ito ang patuloy na pagsisikap upang pigilan ang smuggling sa mga ruta pandagat ng Bangsamoro.

