MALINIS NGA BA KUNG ANG LINIS AY NAKIKITA LAMANG?

BOSS HB

ENVIRONMENTAL CORNER ni Boss HB

Saan nga ba talaga nakasalalay ang tunay na kagandahan at kalinisan? Kapag tinatanong natin ang ating sarili kung mas maganda ang Manila Bay noon o ang Manila Bay ngayon na may dolomite beach, tila ba hinahati natin hindi lamang ang dalawang anyo ng isang lugar, kundi dalawang magkaibang pananaw sa mundo.

Para sa akin, ang kagandahan ng isang lugar ay higit pa sa kung ano ang nakikita ng mata sa isang iglap. Ang Manila Bay noon, sa kanyang natural at hindi naka make-up na anyo, ay isang tapat na salamin ng ating ugnayan sa kalikasan. Oo, nagkalat ang basura, marumi ang tubig at maitim ang buhangin. Ngunit hindi ba’t ang katotohanang iyon mismo ang siyang tapat at malakas na panawagan para sa atin na kumilos? Ang dumi at basura na ating nakikita ay ang dumi at basura na ating inilagay. Ang kagandahan ng sunset nito, na walang kapantay sa mundo, ay hindi nakasalalay sa kulay ng buhangin, kundi sa lakas ng liwanag na sumasayaw sa ibabaw ng tubig, anuman ang kulay nito. Ang kagandahan ba ay nasa ibabaw lamang, o nasa lalim ng kuwentong nalikha nito?

At dito papasok ang dolomite beach. Sa unang sulyap, sino ang tatanggi sa nakaaaliw na visual ng puting buhangin laban sa malawak na bay? Ito ay isang mabilis, maliwanag na sagot sa ating paghahangad ng kaayusan at linis. Ngunit dito naglalaro ang mas malalim na usapin. Tunay nga kayang kalinisan ang isang bagay na itinapal lamang sa ibabaw ng isang problema? Kapag pumunta ka sa isang bahay na mabaho at marumi, at naglagay ka ng maganda at mabangong pintura sa sahig, masasabi mo bang malinis na ang bahay? Ang nakasisilaw na puting buhangin ba ay naglilinis ng tubig, o ito’y parang magandang kurtina na isinasara sa isang mantsang hindi natin gustong harapin?

Ang linis na ipinagmamalaki ng dolomite beach ay isang ilusyon, isang aesthetic band-aid sa malalim at nana na sugat ng polusyon. Ang tunay na kalinisan ay hindi nangyayari sa isang gabi, at hindi ito dumarating sa mga sako. Ito ay bunga ng mahaba, mahirap, at sistematikong paglilinis mula sa pinanggalingan ng dumi. Ito ay pagtatanim ng bakawan na natural na maglilinis at magpipigil sa sedimentation. Ito ay pagtatayo ng tamang wastewater treatment plants. Ito ay pagbabago ng ating mga ugali. Ang paglalagay ng dayuhang bato, na paulit-ulit na hinuhugasan ng dagat, ay parang pagwawalis ng alikabok sa ilalim ng karpet. Ito ba ang uri ng kalinisan na ating ipinagmamalaki?

Kaya’t sa tanong kung alin ang mas maganda, ang aking sagot ay ang Manila Bay na hindi pa natatakpan. Mas maganda ang katapatan kaysa sa ilusyon. Mas maganda ang isang duming inaamin upang linisin, kaysa sa isang duming itinatago sa ilalim ng makintab na bagay. Ang kagandahan ng isang lugar ay hindi dapat maging isang magandang larawan lamang para sa Instagram. Dapat itong maging repleksyon ng isang malusog, gumaganang sistema.

Ang pangarap ko para sa Manila Bay ay hindi isang maliit na piraso ng pekeng resort sa gitna ng isang urban jungle. Ang pangarap ko ay ang buong bay, ang buong lawak nito, ang lahat ng tubig nito, ang mga buhay sa ilalim nito, ay muling maging malinis. At ang kagandahan ng isang ganap na nalinis at na-rehabilitate na Manila Bay, kung saan ang buhangin ay natural at ang tubig ay malinaw, ay walang kapantay. Ang kagandahan na iyon ay magiging totoo, matibay, at maipagmamalaki sa lahat ng aspeto. Ito ang kagandahang hindi lamang nakikita, kung hindi ramdam sa bawat malinis na hanging humahaplos sa iyong mukha. Ito ang uri ng kagandahan na dapat nating pakahangarin?