Cayetano: AYUSIN ANG CLASSROOM SHORTAGE, PONDOHAN NANG TAMA ANG K TO 12 O I-REVIEW ANG HABA NITO
Ni Buboi Patriarca
Nanindigan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi agad mararamdaman ang epekto ng mga reporma sa 2026 national budget at ng mga panukalang batas na layong tugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa. Ayon sa senador, maaaring abutin pa ng dalawa hanggang tatlong taon bago makita ang konkretong resulta ng mga hakbang na ito.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Cayetano na ang pinaka-agarang solusyon sa classroom shortage ay ang maayos na pagtutok sa K to 12 program, na aniya’y isa sa mga pangunahing dahilan ng kakulangan sa pasilidad sa mga pampublikong paaralan.

“Even with the 2026 budget and even with this law, ang pinakamaagang panahon na may mararamdaman tayong pagbabago ay dalawa hanggang tatlong taon pa. Ang pinaka-immediate na solusyon ay simple: pondohan natin nang tama ang K to 12, o kung hindi, seryosong pag-aralan kung maaari itong bawasan ng isa o dalawang taon,” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, kung mananatiling kulang ang pondo para sa K to 12, patuloy lamang na lalaki ang backlog sa classrooms, guro, at iba pang pasilidad, na direktang nakaapekto sa kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral.
Sa isang banda, mahalaga ang naging pahayag ni Senador Cayetano dahil tinatamaan nito ang ugat ng problema sa edukasyon—ang kakulangan sa maayos na pagpaplano at sapat na pondo. Sa kabila ng magandang layunin ng K to 12 program na ihanda ang mga estudyante sa kolehiyo at trabaho, malinaw na hindi naging sapat ang suporta ng gobyerno upang tugunan ang dagdag na pasanin nito sa mga paaralan.
Kung hindi kayang pondohan nang buo ang kasalukuyang sistema, makatwiran lamang na suriin kung kailangan bang paikliin o baguhin ang programa upang masigurong hindi nasasakripisyo ang kalidad ng edukasyon at kaligtasan ng mga mag-aaral. Ang edukasyon ay pundasyon ng kaunlaran ng bansa, at anumang reporma rito ay dapat may malinaw na direksyon, sapat na pondo, at agarang solusyon sa mga kasalukuyang suliranin.
