2025 DPWH Budget per District Summary (Allocable, Outside Allocable, DPWH Initiated, at Congress Initiated) – NILINAW NI LEVISTE

ni Buboi Patriarca

Nais po nating linawin ang ilang mahahalagang impormasyon kaugnay ng “2025 DPWH Budget per District Summary”, partikular sa mga proyektong tinutukoy bilang “Allocable,” “Outside Allocable,” “DPWH Initiated,” at “Congress Initiated.”

Batay sa dokumentong ito—na nagmula mismo sa hiwalay na source mula sa DPWH at ginamit na rin ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ—napatutunayan na tama at lehitimo ang mga halagang nasa unang listahan. Ang parehong dokumento ay tumutugma rin sa impormasyong ibinigay noon ng yumaong Undersecretary Cabral, na higit pang nagpapatibay sa kredibilidad nito.

Mahalagang bigyang-diin na hindi lahat ng proyekto sa loob ng isang distrito ay “Allocable” sa District Congressman. Sa katunayan, mas malaki pa ang bahagi ng mga proyektong tinatawag na “Outside Allocable.”

Ang mga proyektong ito ay karaniwang hindi inisyatiba ng District Congressman, kaya hindi tama ang pahayag na ang buong pondo ng isang distrito ay maaari nilang i-allocate o kontrolin.

Dagdag pa rito, nais po nating maging malinaw sa publiko:

Ang mga pondong ito ay direktang ginagamit ng DPWH para sa implementasyon ng mga proyekto, at hindi po ito ibinibigay sa sinumang indibidwal o proponent.

Sa gitna ng mga isyung may kinalaman sa badyet at pananagutan sa pondo ng bayan, mahalagang manatili tayong nakabatay sa tamang datos, opisyal na dokumento, at malinaw na paliwanag.

Ito po ang aming paglilinaw para sa kaalaman ng sambayanan.