MAKABAYAN BLOCK BINATIKOS SI PBBM: ‘Hanggang kailan maghihintay ang sambayanang Pilipino ng tunay na hustisya?’

RoadNews Investigative Team

Mariing binatikos ng Makabayan bloc ang umano’y kabiguan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tuparin ang kanyang pangako na papanagutin ang mga matataas na opisyal ng gobyerno na sangkot sa tinaguriang flood control scandal.

Ayon sa grupo, lumagpas na ang itinakdang Christmas deadline ng Pangulo para sa pag-aresto sa mga responsable, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot na tinaguriang mga “big fish.”

Giit ng Makabayan bloc, ang naturang deadline ay isa lamang umanong pahayag na walang laman—na layong pakalmahin ang galit ng publiko sa gitna ng malawakang alegasyon ng katiwalian sa administrasyon.

Dagdag pa ng grupo, hindi sapat ang mga pahayag at press release kung walang konkretong aksyon. Ang hinihingi ng taumbayan, ayon sa kanila, ay tunay na pananagutan at hustisya—hindi pangakong pana-panahon at retorikang pampalubag-loob lamang.

Para sa Makabayan bloc, ang matapang na pananalita laban sa korapsyon ay nawawalan ng saysay kung hindi naman sinusundan ng malinaw at seryosong hakbang laban sa mga tiwaling opisyal, lalo na yaong may matataas na posisyon sa gobyerno.

Samantala, may mga larawang inilabas ang Makabayan bloc bilang bahagi ng kanilang pahayag, bilang suporta sa kanilang panawagang pananagutin ang mga responsable.

Sa huli, tanong ng marami: ‘Hanggang kailan maghihintay ang sambayanang Pilipino ng tunay na hustisya?’