PUBLIKO, HINIKAYAT NI LACSON SA PAGBABANTAY NG 2026 BUDGET VS CORRUPTION
Ni Ernie Reyes
May the force be with us.
Iginiit ito ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson bilang pagdiin na ang pagbabantay ng publiko sa 2026 budget ay hindi dapat magtapos sa pag-apruba at paglagda nito bilang batas, kundi dapat magpatuloy hanggang sa mismong pagpapatupad nito.
Ani Lacson, bagama’t binantayan ng mga religious at civil society group ang mga pagtalakay sa bicameral conference committee sa pagbuo ng panukalang badyet, ang susunod na hamon ay tiyakin kung paano gagastusin ng ehekutibo ang pera ng taumbayan sa 2026.
“Tulad ng vigilance ng ating mga kababayan sa pangunguna ng Catholic Church at civil society organizations, dapat huwag bumitaw, kasi ang 2026 budget ito ang magiging testament kung may reform bang mangyayari sa ating pamahalaan at sa ating bansa. Kasi may lesson na tayong pinagdaanan sa 2025 budget naungkat pa 2024 and the years before,” ani Lacson sa panayam sa isang radio station.
Sinabi rin ni Lacson na bagama’t karamihan sa kanyang mga kasamahan sa Senado ay kapareho niya ng pananaw na para sa reporma, 24 lamang ang mga senador.
Dahil dito, iginiit niyang kailangan nila ang suporta ng publiko sa pagtukoy at pagbubunyag ng mga katiwalian sa pagpapatupad ng 2026 budget.

“I hope kaunti lang kami, e dapat magkaroon tayo ng maraming kasama. Ako na ang magsasalita, may the force be with us,” ani Lacson.
Nauna nang sinabi ni Lacson na nagpasya ang Senado na maglagay ng ilang general at special provisions bilang mga safety net at pananggalang, lalo na sa pagpapatupad ng 2026 budget.
Kabilang dito ang mahigpit na pagbabawal sa anumang guarantee letter at anumang anyo ng ‘epal’ sa lahat ng uri ng ayuda; ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ay dapat ipatupad nang mahigpit sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) program at alinsunod sa UHC law; at buwanang oversight sa implementasyon ng mga proyektong imprastraktura at farm-to-market roads (FMR), na may kasamang grid coordinates upang madaling mabantayan ng media at ng publiko.
