LOREN NAKABANTAY SA JOINT OVERSIGHT BODY VS CORRUPTION SA 2026 NATIONAL BUDGET
Ni Ernie Reyes
Inihayag ni Senadora Loren Legarda ang buong suporta sa nilikhang Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures, na pawang mahalagang reporma upang matiyak na gagastusin ang bawat piso sa pambansang badyet nang may integridad, transparency, at alinsunod sa mga prayoridad ng pambansang kaunlaran.
Sa pahayag, sinabi ni Legarda na ang joint oversight body ng Senado at Kamara, na nakasaad na sa General Appropriations Act (GAA) 2026 at sa mga nakaraang GAA, ay dapat nang pormal na i-activate at regular na gumana upang ganap na maisakatuparan ang mandato nito.
“Hindi ito micromanaging sa mga ahensya. Bubuuin ang komiteng ito upang matiyak na ang pondong nakalaan para sa mga ospital, silid-aralan, sakahan, at disaster resilience ay hindi mawawala sa pagkaantala, aksaya, o maling paggamit,” diin ni Legarda.
Binalaan ni Legarda na ang paulit-ulit na underspending, mahinang disenyo ng mga proyekto, at mga butas sa implementasyon ay direktang nagreresulta sa mga kalsadang hindi natatapos, mga ospital na siksikan, at mga komunidad na walang proteksyon laban sa sakuna.
“Sa tuwing ang isang ahensya ay hindi agad ginagamit ang badyet o hindi ito maayos na naipatutupad, katumbas nito ang isang pamilyang mas matagal pang naghihintay ng health center, isang estudyanteng nawawalan ng pagkakataon sa dekalidad na edukasyon, o isang magsasakang wala pa ring irigasyon,” ani Legarda.
Binigyang-diin pa ng Senadora na ang mga nakatiwangwang na pondo ay nagpapahina sa performance ng gobyerno at direktang nakakaapekto sa mga mamamayang naghihintay ng serbisyo.
“Ang mga pondong hindi nagagamit ay hindi ‘savings.’ Sila ay mga target na hindi natupad, serbisyong naantala, at mga oportunidad na nawala. Ang underspending na dulot ng mahinang kapasidad sa paggastos at procurement ay may tunay na gastos sa paghahatid ng mga programang panlipunan,” paliwanag niya.
Nagbabala rin ang apat na terminong Senadora na ang pag-iwan ng mga badyet na nakatiwangwang ay pumipigil sa gobyerno na mailipat ang pondo sa mga ahensyang may mas matibay na track record.
“Kapag hindi nagagamit ang badyet, nananatiling nakatali ang mga rekurso sa mga programang mahina ang implementasyon, imbes na mailipat sa mga ahensyang may napatunayang epekto sa sektor. Ito ay nakakasira sa tamang alokasyon ng rekurso at nakakaapekto sa patas na paggastos ng pamahalaan,” dagdag niya.
“Ang isang matatag na oversight committee ay mag-uutos sa mga ahensya na ayusin agad ang mga bottleneck at patunayan na ang mga appropriations ay nagiging kongkretong resulta,” giit ni Legarda.

Sa bagong lagdang P6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026, sinabi ni Legarda na ang tuloy-tuloy na monitoring sa buong taon ay magpapatibay sa kredibilidad ng spending program at magpoprotekta sa mahahalagang pamumuhunan sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at climate at disaster resilience.
“Ang responsableng at integridad na paggastos ay hindi nagtatapos sa sandaling lagdaan ng Pangulo ang GAA,” aniya. “Tungkulin ng Kongreso na subaybayan ang implementasyon mula line item hanggang last mile upang matiyak na ang badyet na ating pinagtalunan at ipinagtanggol sa plenaryo ay maayos na naipatutupad sa bawat barangay.”
Bilang tugon sa panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian na masusing tingnan ang underspending at mga kritikal na proyekto, sinabi ni Legarda na nais niyang unahin ng oversight body ang mga sektor kung saan pinakamabigat ang epekto ng pagkaantala at inefficiency sa karaniwang mamamayan.
“Dapat tayong magsimula kung saan pinakamataas ang panganib: mga ospital na sobra ang pasyente, mga irigasyong matagal nang hinihintay ng mga magsasaka, mga silid-aralan at lokal na imprastrukturang nananatili lamang sa papel,” aniya.
“Kapag malinaw na nakikita ng taumbayan kung paano pinaplano, pinopondohan, at tinatapos ang bawat proyekto, nagkakaroon sila ng kumpiyansa na ang public office ay isang public trust at na ang kanilang pinaghirapang buwis ay tunay na gumagana para sa kanila at sa kanilang mga komunidad,” pagtatapos ni Legarda.
