PANGAKO NG DA SA PAGBABAWAS NG 20 PORSYENTO SA PRESYO NG P33-B FMR, BABANTAYAN NI PANGILINAN

Ni Ernie Reyes

Inihayag ni Senador Francis Pangilinan na personal nitong babantayan ang implementasyon ng P33 bilyong farm-to-market roads na babawasan ang halaga sa kasalukuyang P18 milyon kada kilometro tungo sa P14.5 milyon.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform, na nangako si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na kanyang itatayo ang sariling reputasyon at ganun din kay Pangulong Ferdinan Marcos Jr na matutupad ang pagbagsak ng presyo ng FMR.

“Kaya kailangang mas maraming kalye ang magawa ng P33-billion FMR allocation sa 2026 national budget. Kailangang maramdaman ng mga magsasaka at mga mamimili ang mas mataas na budget para sa agrikultura. Kailangang tumaas ang kita ng mga magsasaka at maging abot-kaya ang mga bilihin sa palengke at talipapa,” giit ni Pangilinan.

Ayon kay Pangilina, pagkatapos ng  flood-control scandal noong nakaraang taon, ubos na ang pasensya ng taumbayan para sa katiwalian.

“Bilang vice chair ng Senate Committee on Finance’s Subcommittee J, na bumusisi ng mga budget ng Department of Agriculture, NIA, at ilang bahagi ng justice sector, nakataya rin ang pangalan ko sa maayos na pagpapatupad ng mga infrastructure project ng gobyerno,” ayon kay Pangilinan.

“Kaya naman, para wala nang bilyong pisong insertions at overpriced contracts na pinagbabayaran ng buwis ng taumbayan, naglagay tayo ng mga safeguard sa 2026 national budget: validation against the DA master plan, geo-tagged projects, and public monitoring tools,” giit pa ng senador.

Dahil dito, nanawagan si Pangilinan sa lahat kabilang  ang pangkaraniwang mamamayan,

civil society groups, non-government orgs na   makilahok at makipag-partner sa pagbuo ng isang public-private audit coordinating task force na magmomonitor at magsisiguro ng grassroots reporting sa pagpapatupad ng ganitong proyekto.

“Babala ang ganitong people power sa lahat ng kontratista at politikong may masamang balak: Kasama ng taumbayan, magbabantay tayo. At sa sinumang gumawa o magtangkang gumawa ng kalokohan dito, hahabulin ko kayo, ipapatawag ko kayo sa mga Senate hearing, at ibubulatlat ang paldo sa katiwalian. Hindi tayo papayag sa mga kickback, tongpats, o commission,” aniya.