DepEd, CHED, BINALAAN NI BAM AQUINO SA TAMANG PAGGAMIT NG P1.34-T EDUCATION BUDGET
Ni Ernie Reyes
Mistulang binalaan ni Senador Bam Aquino ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na tiyakin na buo at wastong paggamit ng record-high na P1.34-trilyong pondo para sa edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget.
Sa pahayag, sinabi ni Aquino , chairman ng Senate committee on basic education, na hindi dapat biguin ng pamahalaan ang estudyanteng Pilipino na umaasa sa pangako nito ng kalidad na edukasyon.
“Natutuwa tayo na walang binawas doon sa budget ng edukasyon. Ito nga iyong pinakamataas na budget ng edukasyon sa kasaysayan natin. Walang binawas diyan, pinaglaban natin ito at ngayon tapos na iyong budget,” ani Aquino.
“Ngayon naman, iyong bola nasa kamay na ng mga education agencies. Kailangan nilang gawin iyong tama, gawin iyong tamang presyo, siguraduhin na walang korapsyon na sumingit dito sa napakalaking perang binigay natin sa edukasyon,” dagdag pa niya, kasabay ng paggiit na may pananagutan ang education agencies sa taumbayan at sa mga estudyante.
Binigyang-diin ni Aquino na mahigpit at tuloy-tuloy na babantayan ng Senate Committee on Basic Education ang paggamit ng education budget upang masigurong matutupad ang mga pangako sa harap ng mga pahayag ukol sa mga hamon sa implementasyon nito.

“Babantayan ng Committee on Basic Education iyong tamang paggamit ng pera. Walang ghost project, walang ghost student. Sisiguraduhin natin na sa tamang presyo, sa tamang paraan ang paggamit ng pera para sa edukasyon ng bayan,” aniya.
Nauna nang iginiit ni Aquino ang pangangailangan ng mabilis at transparent na implementasyon ng mahahalagang programang pang-edukasyon sa ilalim ng record-high na budget, partikular ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan at ang pagpapalawak ng Libreng Kolehiyo na kanyang inakda, gayundin ang pagtaas ng student allowances sa ilalim ng programa.
Naglaan ang P1.34-trilyong education budget ng P67 bilyon para sa Libreng Kolehiyo (RA 10931), kabilang ang karagdagang pondo para sa Tertiary Education Subsidy (TES) o allowances para sa mahihirap na estudyante.
Kasama sa budget ang P68 bilyon para sa pagtatayo ng silid-aralan at P25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program.
Kabilang din sa 2026 national budget ang panukala ni Aquino na maglaan ng P500 milyon sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program, na partikular na nakalaan para sa Financial Support for RLE Requirements in Allied Health Sciences Programs.
Kasabay nito, nanawagan din siya sa publiko na manatiling mapagmatyag at aktibong makilahok upang matiyak na mapupunta ang pondo sa edukasyon sa mga itinakdang programa at benepisyaryo nito, hanggang sa huling sentimo.
“Sama-sama tayong magbantay upang masiguro na ang pondong ito ay direktang mapupunta sa edukasyon, at hindi sa korapsyon,” giit ni Aquino.
