OPTICAL MEDIA BOARD, LULUSAWIN NG SENADO: ‘TIPID SA BUDGET’
Ni Ernie Reyes
Naghain ng panukalang batas si Senador Win Gatchalian na naglalayong buwagin ang Optical Media Board (OMB) dahil hindi na angkop ang ahensya sa kasalukuyang digital age.
Ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, hindi na magiging epektibo ang ahensya na tugunan ang mga hamon ng digital age.
“Nakatuon kasi sa mga CD at DVD ang OMB o ekonomiyang nakadepende sa disc-based piracy,” ani Gatchalian.
“Sa halip na panatilihin ang isang ahensyang ang mandato ay hindi na umaayon sa kasalukuyang panahon, mas mainam nang maglaan ng pondo sa mga ahensyang may kakayahang tumugon sa mga hamon ng makabagong teknolohiya at ng digital na ekonomiya,” dagdag pa niya, habang binigyang-diin na itataguyod nito ang mas mahusay na paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ang naturang panukala, ang Senate Bill No. 1654, ay naglalayon ding ilipat ang mga kapangyarihan, tungkulin, at kagamitan ng OMB sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Target din nito na i-absorb ang mga empleyado ng Secretariat ng mabubuwag na OMB nang walang mababawas sa kanilang sahod at iba pang benepisyo.
Ang paglilipat ng mga tungkulin ng OMB sa IPOPHL ay inaasahang magpapadali sa pagpapatupad ng mga batas sa Intellectual Property (IP), maglilipat ng pokus sa digital piracy, at magpapalakas sa pagpapatupad ng batas gamit ang kasalukuyang awtoridad ng IPOPHL.
