Tulad ng P2.5B insertion ni Imee Marcos, allocable sa 2025 budget, tangkang pagnanakaw sa kaban – Lacson

Ni Ernie Reyes

Hindi man lantarang inihalintulad ni Senate President Panfilo Lacson na tanging layunin ng allocable tulad ng isiningit ni Senador Imee Marcos sa 2025 national budget – na pawang walang pinagkaiba sa planado o tinangkang pagnanakaw sa kaban.

Ipinaliwanag ng chairman ng Blue Ribbon Committee na ang allocable — partikular ang mga inuudyukan ng komisyon at kickback — ay walang ipinagkaiba sa planado o tinangkang pagnanakaw.

Giit ni Lacson, ito ang dahilan kung bakit mahalagang masusing suriin ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga dokumentong iniwan ng yumaong Department of Public Works and Highways Undersecretary Catalina Cabral.

Naunang binanggit ni Lacson na natuklasan sa Cabral Files na may “allocable” si Imee Marcos sa 2025 national budget na siyang iniimbestigahan sa mga ghost projects sa flood control funds.

“Nag-submit ka ng ‘wish list’ or allocables, kahit wala namang assurance na makasama sa final version ng General Appropriations Act… Kung ang motibo ay makakuha ng komisyon, it may be likened to attempted, or at the very least, planned robbery,” aniya sa panayam sa DZMM radio.

Iginiit niya na walang problema kung humihiling ang mga mambabatas ng pondo para sa mga proyektong dumaan sa tamang pag-aaral bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa kanilang mga nasasakupan, subalit hindi ito dapat ginagawa habang binubuo pa ang National Expenditure Program (NEP).

Binigyang-diin ni Lacson na ang kanyang mga institutional amendments sa panukalang badyet ay batay sa masusing nasuring mga kahilingan ng mga kinauukulang ahensya, o sa mga realignment na isinagawa alinsunod sa kanyang oversight function.

“Pero para sa isang kongresista o senador, na nagpe-prepare pa lang ng president’s budget, naka-dip ang fingers namin doon, kaya sinabi ko may be likened to attempted robbery – kung ang intention ang allocables ay mangomisyon,” aniya.

“Walang pakialam ang legislative sa paglista ng mga proyekto sa NEP. Ang trabaho lang ng legislature, mag-amend dahil panukalang batas itong NEP,” dagdag niya.

Ang tinaguriang “Cabral files” ay kabilang sa mga dokumentong inaasahang tatalakayin ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Lacson sa pagdinig nito sa Lunes, Enero 19.

Hihilingin ni Lacson sa mga kinatawan ng DPWH sa pagdinig na i-authenticate ang mga sinasabing dokumentong mula kay Cabral na nasa kanyang pag-iingat at sa pag-iingat ng iba pang personalidad.

Kung hindi mapapatunayan ng DPWH ang mga dokumento — kabilang ang mga nasa kanyang pag-iingat — sinabi ni Lacson na hindi ito isasama sa mga rekord ng Blue Ribbon Committee.

“In fairness ia-apply ko sa aking sarili sa aking files ang ia-apply ko sa files na hawak ni Rep. Leandro Leviste at kung sinuman ang may pinanghahawakang documents, digital files o anuman, at di ito in-acknowledge ng ahensya, hindi naman pwedeng gawin nating gawin part ng record ng BRC and investigation,” aniya.

‘Pagliban’ ni Bonoan sa Pagdinig

Samantala, sinabi ni Lacson na ang inaasahang hindi pagdalo ng dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig sa Enero 19 ay hindi magpapahinto sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee — ngunit maaari itong makaapekto sa kanyang kalagayan.

“It’s on him dahil siya dapat magpaliwanag. Yung ma-establish ang na-mislead sa pagpapa-submit ng mga mali-maling grid coordinates halos public na yan kasi meron ding resource person from DPWH na mag-testify sa Monday. So nasa sa kanya ipaliwanag kung bakit ganun ang nangyari,” aniya.

Sinabi rin ni Lacson na hihilingin ng Blue Ribbon Committee sa mga kinatawan ng Department of Justice (DOJ) sa pagdinig na kumpirmahin kung inaprubahan ng DOJ ang kahilingan ni Bonoan na palawigin ang kanyang pananatili sa California dahil ipinagpaliban ang operasyon sa mata ng kanyang asawa hanggang Pebrero 15.

Sa panayam sa DWAN noong Biyernes ng gabi, sinabi rin ni Lacson na maaari niyang talakayin kina Senate President Vicente Sotto III at sa iba pang miyembro ng komite kung papayagan si Bonoan na dumalo sa pamamagitan ng videoconferencing, kung kinakailangan.

Ngunit iginiit niya na dapat nasa loob ng embahada o konsulado ng Pilipinas si Bonoan. “Basta nandoon siya sa loob ng embassy grounds at pwedeng administer sa kanya ang oath sa kanya sa loob ng embahada,” aniya.

Sinabi rin ni Lacson na inimbitahan ng komite ang dating DPWH undersecretary na si Roberto Bernardo upang magbigay-linaw sa umano’y tangkang pagkuha sa kanya sa kustodiya ng dating hepe ng pulisya na si Nicolas Torre III. Bagama’t hindi inimbitahan si Torre sa pagdinig, sinabi ni Lacson na maaari siyang dumalo at ilahad ang kanyang panig.

Dagdag pa ni Lacson, inaasahang may hindi bababa sa dalawang resource person na magpapatotoo sa pagdinig hinggil sa pagbili ng dating Speaker na si Martin Romualdez ng isang bahay at lupa sa South Forbes noong Abril 2023, kung saan si kontratistang Pacifico “Curlee” Discaya II umano ang nagsilbing “front.”

“Nakakuha ako kopya ng deed of absolute sale at kabayaran ang mga check na ginamit,” sinabi niya sa isang panayam sa DZBB radio noong Biyernes.

Sa panayam din sa DZMM, sinabi ni Lacson na bagama’t hindi pinangalanan si Discaya bilang “buyer” o “vendee” sa bentahan, ang “buyer” o “vendee” ay isang korporasyon na ang pangunahing stockholder ay may “ugnayan” sa dating Speaker.