2027 PROJECT LIST SA INFRA, PINALILINIS NI GATCHALIAN SA DBM, DPWH:’IWAS CORRUPTION’

Ni Ernie Reyes

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Budget and Management (DBM) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na busisiin nang mabuti ang mga proyektong pang-imprastraktura para sa taong 2027 upang epektibong masugpo ang korapsyon.

“Paparating na naman ang 2027 budget, kaya dapat ngayon pa lang ay maayos na ang pagsusumite sa DBM para hindi na tayo uli magahol sa pag-aayos ng budget tulad ng nangyari sa 2026 budget,” ani Gatchalian, na siyang chairperson ng Senate Finance Committee.

Ipinag-uutos ng DBM na lahat ng bago o pinalawak na proyektong pang-imprastraktura ay dapat “shovel-ready” o handa na para sa implementasyon. Pero naging maluwag ang pagpapatupad sa polisiyang ito na nagresulta sa mga “ghost projects” at mga substandard na proyekto.

“Ang nangyayari, gumagawa ng proyekto kahit wala pang eksaktong coordinates, basta may mailagay lang sa NEP. Imbes na ang proyekto ang habulin ng pondo, ang hinahabol ay ang pondo bago pa man ang proyekto,” ayon sa senador.  

Sa nakaraang pagdinig sa Senado, isiniwalat ng mga opisyal ng DPWH na 291 sa 337 flood control projects na na-verify ay walang tumpak na coordinates sa portal na ‘Isumbong Mo sa Pangulo’.

Bagama’t malaking bahagi ng mga flood control projects ang tinanggal sa 2026 budget, inaasahang babalik ang mga ito sa susunod na taon dahil sa patuloy na banta ng baha sa maraming lugar, ani Gatchalian.