CONG LEVISTE, SINOPLA NI LACSON SA ‘DE-FACTO MARTIAL LAW’: ‘NOT THIS TIME’
Ni Ernie Reyes
Kung palaging kinakampihan ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson si Batangas Congressman Leandro Leviste, ngayon lantarang sinopla ng lider ng Senado ang kongresista sa pananaw nitong may “de-facto martial law” sa Pilipinas.
Sa pahayag, mahigpit na pinabulaanan ni Lacson nitong Martes ang pahayag ni Rep. Leandro Leviste na may umiiral na “de facto Martial Law” sa Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na wala siyang nakikitang mga hakbang tulad ng pananahimik sa mga kritiko sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
“Of course not. Malayo. I do not agree,” ani Lacson nang tanungin tungkol sa naturang pahayag.
Dagdag niya, kung totoong may umiiral na “de facto Martial Law,” maaaring nakasuhan na si Leviste ng libelo dahil sa kanyang mga batikos sa umano’y mga maling gawain sa pamahalaan.

“Malimit akong nag-a-agree sa kanya, sa kanyang courage and principles, pero this time, I do not agree,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Lacson na dapat maging bukas ang sinuman sa imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na kung wala silang itinatago. Ibinahagi niya ang sarili niyang karanasan na maharap sa mga walang basehang paratang na kriminal noong panahon ng administrasyong Arroyo.
Gayunman, aniya, nalampasan niya ang mga ito sa loob ng siyam na mahabang taon.
“Kung walang basis, no matter how they investigate you walang mararating. Been there, done that. For nine long years yan ang sinapit ko noon. Pero andito pa rin ako nakatayo pa rin ako,” aniya.
