DALAWANG IMPEACHMENT LABAN KAY PANGULONG BBM, IBINASURA NG KAMARA

ni Darwell Baldos

Pormal nang ibinasura ng House Committee on Justice ang dalawang magkahiwalay na impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ang desisyon, na ginawa kamakailan, ay nagwakas sa agarang pag-asa ng mga complainant na maidaos ang isang impeachment trial sa Senado.

Sa isang botohan, pinasiyahan ng komite na ang dalawang petisyon ay “sapat ang porma” ngunit “hindi sapat ang laman” o “insufficient in substance.” Ang unang reklamo, na isinampa ng abogadong si Andre de Jesus at isinumite ni Pampanga 2nd District Rep. Jernie Jett Nisay, ay tinanggihan sa isang boto na 42-1-3. Kabilang sa mga alegasyon dito ang pagtataksil sa tiwala ng publiko kaugnay ng isyu sa International Criminal Court at diumano’y paglabag sa proseso ng paggawa ng badyet.

Ang pangalawang reklamo, na isinampa ng Makabayan bloc sa Kamara, ay ibinasura sa mas malinaw na boto na 39-7. Itinuturo ng reklamong ito ang isyu ng korupsyon sa mga proyektong flood control at ilang kontrobersyal na budget allocation bilang ebidensya ng pagtataksil sa tiwala ng bayan.

Ayon kay House justice committee chairperson Rep. Gerville Luistro, nabigo ang mga reklamong isinumite na maabot ang kinakailangang pamantayan para sa isang impeachment case. Pahayag niya, ang mga paratang ay “lacking in merit” at batay sa mga haka-haka lamang.

Ang desisyon ng komite ay inaasahang pagtibayin ng plenaryo ng Kamara sa lalong madaling panahon. Batay sa “one-year bar” provision ng Saligang Batas, ang pagbasura sa mga reklamo ay nangangahulugang hindi na maaaring maghain ng anumang bagong impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos sa loob ng isang taon, maliban na lamang kung ang bagong reklamo ay maglalaman ng mas seryoso at direktang alegasyon laban sa Pangulo.