RESOLUTION NA KOMOKONDENA SA PAG-ATAKE NG CHINA VS GOV’T OFFICIAL, PAGTITIBAYIN – Sotto

Ni Ernie Reyes

Inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na pagtitibayin ngayon ng Senado ang panukalang resolusyon na naglalayong kondenahin ang statement ng Chinese Embassy laban sa opisyal ng gobyerno.

“Ngayong araw na ito ipapasa namin ‘yun. ‘Yung sinasabi, pinagsasabi nung opisyal ng Chinese Embassy, tapos umaangal sila sa sinasabi ng ating mga opisyal. Part of — sabi ko nga, part of the freedom of expression natin ‘yun,” ayon kay Sotto.

Kamakailan, 15 senador ang lumagda sa draft resolution na komokondena sa huling public statement ng Chinese embassy laban sa ilang opisyal na Filipino na taliwas sa tinatanggap na pamantayan sa ugaling diplomatiko at pantay na respeto sa bawat bansa.

Kinumpirma din sa resolusyon ang katayuan ng Pilipinas na may sovereign rights at responsibilidad na igiit, ilantad at ipagtanggol ang opisyal na posisyon at pambansang interest alinsunod sa international law.

 Uminit ang sigalot sa pagitan ng Chinese embassy at opisyal ng Pilipinas dahil sa patuloy na panggigipit at panghihimasok ng Beijing sa West Philippine Sea na sakop ng ating bansa.

Naniniwala si Sotto na hindi maapektuhan ng relasyong diplomatiko ng bansa sa China kapag napagtibay ang resolusyon.

“Ibig ba sabihin dahil hindi nila gusto ‘yung sinasabi ng mga opisyal natin, we will just cower. Tayo ba ay basta na lang tatanggap tayo na mag papa-bully tayo? Hindi naman pwede. Kailangan pumalag tayo,” aniya.