BAM AQUINO NAKA-POKUS SA PAGLUTAS SA PROBLEMA NG PH, HINDI 2028

Ni Ernie Reyes

Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino na dapat isantabi muna ang pulitika habang patuloy na hinaharap ng mga Pilipino ang mga mabibigat na suliranin tulad ng krisis sa edukasyon, kawalan ng trabaho, at korapsyon.

Nang tanungin ukol sa mga ulat na siya’y tinitingnang posibleng kandidato sa 2028 presidential elections, sinabi ni Aquino na nakakahiyang mamulitika habang patuloy na dumaranas ng mabibigat na hamon ang sambayanang Pilipino.

“Nakakahiyang mamulitika habang napakaraming pinagdadaanan ng taumbayan,” wika ni Aquino.

“Iyong bansa natin, pagdating sa edukasyon, pagdating sa ekonomiya, presyo ng bilihin, sa pagtugis sa korapsyon, napakaraming hinaharap. Iyan dapat iyong inuuna natin, hindi dapat ang pamumulitika,” dagdag pa niya.

Naniniwala si Aquino na may tamang panahon para pag-usapan ang 2028, ngunit iginiit niya na dapat unahin ng mga lider na resolbahin ang mga suliranin ng bansa kaysa pulitika.

“Iyong 2028, dadating rin iyan. At may tamang panahon na pag-usapan iyan. Pero ngayon, ang tamang gawin, pag-usapan iyong mga mahalaga sa taumbayan,” giit pa niya.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Aquino na nananatili siyang nakatuon sa pagsusulong ng mga prayoridad na panukalang batas na direktang makikinabang ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan at mga mag-aaral.

Ilan sa kanyang mga panukalang batas ay kabilang sa prayoridad na agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Kabilang dito ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, ang Party-list System Reform Act, ang mga panukalang amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, ang panukalang pagbuwag sa travel tax, at ang mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act.

Kamakailan ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang CAP Act (Senate Bill No. 1482) at ang CADENA Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill (Senate Bill No. 1506), sa botong 22-0 at 17-0, ayon sa pagkakasunod.

Bilang tugon sa kakulangan na 166,000 silid-aralan, pinahihintulutan ng CAP Act ang  local government units (LGUs) at non-governmental organizations (NGOs) na may subok na track record na magtayo ng mga silid-aralan sa kanilang nasasakupan, alinsunod sa mga pamantayan at patakaran ng Department of Education.

Samantala, inaatasan ng CADENA Act ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na mag-upload at magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa budget—kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bills of materials, at procurement records—sa isang Digital Budget Platform. Layunin ng sistemang ito na matiyak na ang lahat ng dokumento ay bukas sa publiko, hindi madaling mabago, nasusubaybayan, open-source, at beripikado.

Ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong maglabas ng kinakailangang mga dokumento o mag-upload ng maling impormasyon ay mahaharap sa mga administratibo at kriminal na parusa, na higit pang magpapalakas sa pananagutan at transparency sa paggasta ng pondo ng bayan.