Reporma sa BIR vs pang-aabuso sa LOA, sinuportahan ni Cayetano
Ni Ernie Reyes
Suportado ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang bagong sistema ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pagsugpo sa labis na pag-isyu ng Letters of Authority (LOAs).
Ayon sa kanya, hindi na dapat nakararanas ang mga nagbabayad ng buwis ng sabay-sabay o overlapping audits na nagdudulot ng takot at kawalang-katiyakan sa negosyo.
Kasunod ito ng mga reporma na tinalakay sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong February 10, 2026 tungkol sa umano’y maling paggamit at weaponization ng LOAs ng ilang tauhan ng BIR.
“Almost all the businessmen I spoke with, small, medium, large, even oligarchs, were drowning in LOAs,” sabi ni Cayetano sa isang pahayag.

“Before, one LOA a year. Now, as soon as one ends, another LOA comes for income tax or VAT. Sometimes, there’s a risk of criminal penalties. It’s double, triple the fear,” dagdag niya.
Sa nasabing pagdinig, ipinakita ni BIR Commissioner Charlito Mendoza ang bagong sistema na direktang tumutugon sa mga isyung binanggit ni Cayetano.
Sa bagong sistema, tatanggap lamang ang bawat taxpayer ng isang electronic LOA (eLA) kada taon, na sumasaklaw sa lahat ng uri ng buwis. Maliwanag ang saklaw at limitasyon ng bawat LOA, at may karapatan ang taxpayers na tanggihan ang anumang request na lampas sa limitasyong iyon.
Pinagsasama rin ang mga pending audits para sa parehong taxpayer sa iisang eLA, at lahat ng LOA ay may mandatory verification labels.
Kasama sa reporma ang risk-based, system-assisted na pagpili ng mga taxpayer, para mabawasan ang hindi kailangang audits at masiguro na tanging mga taxpayer lamang na natukoy ng anonymized criteria ang rerepasuhin.
Ayon kay Commissioner Mendoza, layunin ng mga hakbang na ito na protektahan ang negosyo laban sa arbitrary o overlapping audits habang pinapanatili pa rin ang pagsunod sa batas.
Ayon kay Cayetano, ang bagong sistema, matapos ang maraming taon ng reklamo, ay tumutugon sa matagal na niyang panawagan para sa patas at predictable na pamamahala ng buwis.
Sinabi niya na ang pagsasaayos ng LOAs at pagpapatupad ng malinaw na patakaran ay magbabawas ng harassment at magbabalik ng kumpiyansa ng mga taxpayer.
“In every crisis there’s a big opportunity. These reforms end that,” aniya.
