Cronies, hindi sakop ng Anti-political dynasty bill  – Hontiveros

Ni Ernie Reyes

Hindi ipinagbabawal ng panukalang batas laban sa political dynasty na tumakbo sa halalan ang alinmang kaibigan o kaalyado ng political families, ayon kay Senador Risa Hontiveros nitong Lunes.

Sa pahayag, sinabi ito ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, sa ginanap na consultative meeting para sa panukalang Anti-Political Dynasty Act.

“Hindi po sakop ng kontra dinastiya bills ‘yung mga cronies dahil…hindi naman sila ‘yung tumatakbo at nanunungkulan,” aniya bilang tugon sa tanong ng isang kinatawan ng volunteer network Angat Bataan Damayan hinggil sa political clans at dynasties. 

Binanggit din ni Hontiveros sa nakaraang konsultasyon na may posibilidad na magkaroon ng “dummies” ang political families na tumakbo sa halalan na siyang lumutang kamakailan.

“Pero hindi pa po sakop ‘yan ng panukalang batas,” aniya. 

Pero, tiniyak ni Hontiveros na kasalukuyang iniipon ng committee secretariat at kanyang legislative team ang lahat ng mayayamang puntos na ipinalutang sa ginanap na consultative meetings.

“Excited po kami to craft a committee report na pagsasama-samahin lahat itong mga inputs sa consultations at siyempre sa mga pagdinig, for the consideration of the committee members,” ani Hontiveros sa ambush interview.

Bukod sa Marilao, Bulacan, nagsagawa din ng consultative meeting ang Senate electoral reforms committee sa Pasig City; Calamba, Laguna; at Bacolod. Nakatakada din magsagawa nito sa Cagayan de Oro City sa linggong ito.

Nakahain ngayon sa Senado at Mababang Kapulungan ang ilang panukala na naglalayong ipatupad ang probisyon sa 1987 Constitution na inaatasan ang pagbabawal sa political dynasty.  Sa Senado, umabot sa anim na anti-political dynasty bill ang nakabinbin sa   electoral reforms committee.

Ginawang priority measures ng Marcos administration ang anti-dynasty bill kaya sinabi ni Hontiveros na tinutudlang aprubahan ang bersiyon ng Senado bago magtapos ang Marso.

 Isususpendi ng Sendo ang sesyon s Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026 at magbabalik sa Mayo 4, 2026.

“Hindi ko alam kung ano naman ang timetable ng House. Pero siyempre ang best case scenario ko, dahil sila rin ay nagdadaos din ng mga pandinig at konsultasyon tulad nito sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, kung sabay kaming matapos ng aming versions at makapag-bicameral conference committee hearings, best case scenario, maipasa namin ang batas by next month para ipadala na sa Malacañang kung kanilang pipirmahan,” ayon sa senador.