POLICY SHIFT SA OSPITAL: PAY WARD ACCESS, NILUWAGAN
Ni Iza Aldana
Binigyang-diin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na malaking ginhawa para sa mga Pilipino ang pagpapahintulot na ma-admit ang mga miyembro ng PhilHealth sa mga bakanteng pay ward ng mga pampublikong ospital—lalo na para sa mga pamilyang kapos sa pera.
Ayon kay Cayetano, sa oras ng karamdaman ay ang mahihirap na pamilya ang higit na apektado, lalo na kapag puno na ang basic ward at wala nang mapaglagyan ang pasyente. Dahil dito, mahalagang magamit ang lahat ng available na kama sa mga ospital sa ilalim ng Department of Health (DOH) upang hindi na mapilitang mangutang o maghanap pa ng ibang ospital ang mga mahal sa buhay ng pasyente.
Giit ng senador, ang maayos at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng umiiral na mga patakaran ay isang konkretong hakbang upang mabawasan ang pasanin ng mga pamilyang nangangailangan at matiyak na may agarang serbisyong medikal ang bawat Pilipino.
Sinabi ng DOH na ipatutupad ang naturang hakbang alinsunod sa mga patakaran ng PhilHealth, bilang bahagi ng pagpapalawak ng access sa serbisyong pangkalusugan sa mga pampublikong ospital.

