MAAGANG PAGBABALIK NI MAYOR KIT NIETO, NAGBIGAY-SIGLA SA MGA KAWANI AT RESIDENTE NG CAINTA
Ni Iza Aldana
CAINTA, RIZAL – Isang kaaya-ayang sorpresa ang hatid ni Mayor Kit Nieto sa mga kawani at residente ng Cainta matapos siyang biglang magpakita sa flag-raising ceremony nitong Lunes ng umaga, hudyat ng kanyang mas maagang pagbabalik sa tungkulin mula sa medical leave.
Marami ang nag-akala na sa Marso pa babalik ang alkalde, matapos siyang maospital noong huling bahagi ng Enero dahil sa mga problemang may kaugnayan sa puso. Kaya naman ikinatuwa ng mga dumalo ang kanyang pagharap, na patunay ng kanyang maayos na kalagayan at determinasyong maglingkod muli.
Upang bumawi sa mga raffle draw na hindi naisagawa habang siya ay nagpapagaling, agad na nagpaulan ng saya si Mayor Nieto sa pamamagitan ng pamamahagi ng cash prizes sa sampung masuwerteng nanalo. Ang mga premyo ay mula P500 hanggang P10,000, kung saan dalawang kalahok ang nag-uwi ng tig-P10,000. Sinalubong ito ng malalakas na hiyawan at palakpakan bilang masiglang “welcome back” ng komunidad.
Matapos ang seremonya, nagtungo ang alkalde sa One Cainta Convention Center upang personal na pangunahan ang pamamahagi ng Social Pension para sa mga senior citizen ng bayan. Mainit na yakap at halik ang isinukli ng mga benepisyaryo, na nagpahayag ng kanilang tuwa sa muling pagbabalik ng tinaguriang “Ama ng Cainta.”
Hindi rin nag-aksaya ng oras si Mayor Nieto. Pagsapit ng hapon, bumalik siya sa kanyang tanggapan at ipinagpatuloy ang kanyang “open door” policy. Personal niyang hinarap ang mahabang pila ng mga residenteng humihingi ng tulong-pinansyal at tulong sa iba’t ibang suliraning lokal.
Ang kanyang agarang pagbabalik sa full-scale operations ay nagbigay-katiyakan sa mga taga-Cainta na tuluy-tuloy at mabilis na muli ang takbo ng pamahalaang lokal sa ilalim ng kanyang pamumuno.

