Fisheries Department, muling inihirit ni Cayetano sa Senado: ‘Suporta sa mangingisda’

Ni Ernie Reyes

Muling iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kamakailan ang kahalagahan ng paglikha ng Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR) sa pamamagitan ng Senate Bill No. 417 bilang tugon sa patuloy na hamon na kinahaharap ng Pilipinong mangingisda at mabigyan sila ng suporta.

“Given the countless challenges that harm our fisherfolk, it is logical to have a dedicated Department accountable for our fisheries and aquatic resources,” wika ni Cayetano.

Ipinahayag niya ito matapos magsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform nitong February 18 kung saan tinalakay ang bureaucratic red tape, pagbaba ng huli ng isda, at mahinang pagpapatupad ng batas .

Tinukoy din sa pagdinig ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema na pinapayagan ang mga commercial vessels sa loob ng 15-kilometer municipal waters, na nagdulot ng pangamba dahil bumababa ang huli sa municipal fishing habang tumataas naman ang commercial catch.

Sa kanyang panukala, sinabi ni Cayetano na dapat ituring ng bansa ang pangingisda bilang isang prayoridad.

“The Philippines, being an archipelago with very rich marine resources, can be a marine powerhouse,” wika ni Cayetano.

Binigyang diin niya na kahit malaki ang kontribusyon ng mga mangingisda sa seguridad sa pagkain at ekonomiya, nananatili pa rin silang isa sa pinakamahihirap na sektor sa bansa.

“It is time that the government provides for a focused, single-minded, specialised department responsive to the needs and concerns of the fisheries and aquatic resource industry,” sabi ng minority leader.

Ayon sa panukala, paghihiwalayin ng DFAR ang pamamahala sa pangisdaan mula sa Department of Agriculture at magiging pangunahing ahensya sa regulasyon at paggawa ng patakaran para sa sektor.

Layunin nito na bigyang-prayoridad ang small-scale fisherfolk, palakasin ang monitoring laban sa illegal fishing, isulong ang science-based policies, at ayusin ang tungkulin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), at mga marine program sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa nasabing pagdinig, nagpahayag ng suporta si Senator Francis Pangilinan sa pagtatatag ng independent department.

“Sa unang araw ng kwaresma nagagalak ako na nakakapangmingwit ng mga fishers of men ang ating kapwa senador na iniintindi ang kapakanan ng sektor na nagpapakain sa atin… [gaya ni] Senator Alan Cayetano, na tulad ko ay gustong bigyan ng isang buong departamento sa pamahalaang nasyonal ang mga mangingisda,” sabi ni Pangilinan.

Naunang nagsumite si Cayetano ng bersyon ng panukala sa mga nakaraang Kongreso at iminungkahi ang paunang pondo na P5 bilyon para sa bagong kagawaran.

Aniya, palalakasin ng reporma ang pagpapatupad ng batas para pagbutihin ang kabuhayan ng mga mangingisda.

“This will be a significant step in order to better protect, utilize, maximize, and conserve the nation’s marine resources as well as uphold the best interest of the fisherfolk,” sabi ni Cayetano.