RESOLUSYON, IKINASA NG MINORYA VS AKSIYON NG ICC KINA BATO, GO

Ni Ernie Reyes

Naghain ng isang resolusyon ang minority bloc sa Senado na nagpapahayag na dapat protektahan ang sinumang Pilipino laban sa “extraordinary rendition” o  lihim at labas sa proseso ng korte na paglilipat ng isang tao sa ibang bansa upang ikulong o imbestigahan.

Partikular na tinutukoy ng minorya sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Bong Go na kinasuhan bilang co-conspirator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs sa kasong crimes against humanity na nakasampa sa International Criminal Court (ICC).

“It is the sense of the Senate of the Philippines to protect all Filipinos against extraordinary rendition and guarantee them a reasonable time prior to their surrender by or extradition from the Philippines to seek redress from the courts and avail of legal remedies,” ayon sa Senate Resolution No. 307 na inihain nitong February 18, 2026.

“Due process and national sovereignty are two of the most fundamental tenets of our Constitution, the bedrock of our civil society, without which we can only hope in vain to honor God, build communities, and transform the nation,” dagdag pa nito.

Inihain ang resolusyon sa gitna ng patuloy na debate tungkol sa saklaw ng kapangyarihan ng mga banyagang korte, lalo na kung hindi muna dumaan sa mga proseso ng mga korte sa Pilipinas — isang sitwasyon na ayon sa Minority Bloc ay maaaring makasira sa soberanya at due process.

Binibigyang diin ng resolusyon ang mga prinsipyo ng independent foreign policy, national sovereignty, territorial integrity, at due process.

Ayon pa dito, ang pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) nang hindi muna nabigyan ng pagkakataong dumulog sa mga lokal na korte ay maituturing na paglabag sa due process at pambansang soberanya sa ilalim ng Section 17 ng Republic Act No. 9851.

Binanggit din sa resolusyon ang pagtukoy sa ilang nakaupong senador bilang ‘co-perpetrators’ sa isang dokumento ng ICC, na maaaring maglagay sa kanila sa panganib ng extraordinary rendition.

Dahil dito, iginiit ng panukala na dapat tiyakin ng estado na ang sinumang haharap sa extradition o surrender ay mabibigyan ng sapat na oras at pagkakataon na gumamit ng mga legal na remedyo sa bansa.

“Due process and the rule of law should not be sacrificed at the altar of a blind pursuit of justice. The 1987 Constitution guarantees that in all criminal prosecutions, an accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, and that no person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law,” ayon pa sa resolusyon.

Sa isang panayam sa media, sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ang resolusyon ay nakabatay hindi lamang sa mga teknikal na usapin kundi sa mismong diwa ng 1987 Constitution.

“Ang diwa ng ating Saligang Batas ay malinaw: kung may problema o paratang laban sa isang Pilipino, may karapatan siyang dumulog sa ating mga hukuman. Hindi maaaring isantabi ang ating mga korte,” aniya.

“Kung ang magiging interpretasyon ay kapag may arrest order mula sa ICC o kahit anong international court ay agad na dadamputin at dadalhin sa ibang bansa, napaka-delikado nito. Hindi lang ito usapin ng isang tao — usapin ito ng ating soberanya at ng ating constitutional framework,” dagdag pa niya.