LGUs KINALAMPAG SA FIRE PREVENTION INITIATIVES
Ni Ernie Reyes
Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga local government unit (LGU) sa buong bansa na isulong ang mas matibay na kultura ng kaligtasan at pag-iwas sa sunog upang higit na maprotektahan ang kanilang mga komunidad.

“Ngayong papalapit na naman ang panahon ng tag-init, dapat maging likas sa atin ang pag-iwas sa anumang aksidenteng pwedeng pagmulan ng sunog,” ani Gatchalian.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang mga madaling magliyab na materyales at malakas na hangin ang nagpalala sa mabilis na pagkalat ng sunog noong Pebrero 3 sa mataong Barangay Lamion, Bongao, Tawi-Tawi.
Tinatayang 1,404 pamilya ang naapektuhan at napilitang lumikas. Umabot sa P17.5 milyon ang pinsala sa pribadong ari-arian, habang tinatayang nasa P18 milyon naman ang pinsala sa pampublikong imprastraktura.
Sinabi ni Gatchalian na maraming insidente ng sunog ang maaaring maiwasan kung iiwasan din ang overloading ng mga electrical circuit at kung paiigtingin ang kampanya laban sa iligal na koneksyon sa kuryente.
Iginiit din niya ang mas mahigpit na pagsunod sa tamang paghawak at paggamit ng LPG upang maiwasan ang sunog.
Sa kanyang pagbisita sa lugar, namahagi si Gatchalian ng humigit-kumulang 300 sako ng bigas sa mga pamilyang naapektuhan.
“Kailangang magkaisa ang ating mga komunidad, lalo na sa mga lugar na dikit-dikit ang mga bahay, upang magkaroon ng maayos na pagtutulungan at maiwasan ang mga sakunang dulot ng sunog,” dagdag ni Gatchalian.
