EDSA 40TH ANNIVERSARY AT ‘TRILLION PESO MARCH’, UMARANGKADA NANG MAPAYAPA

Ni Nelle de San Jose

Naging maayos at kontrolado ang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong araw kasabay ng ikatlong ‘Trillion Peso March,’ ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., walang naitalang malaking kaguluhan sa mga pangunahing lugar ng pagtitipon hanggang alas-6 ng gabi.

Dagdag pa ni Nartatez, nananatiling ligtas at maayos umano ang sitwasyon sa buong bansa.

Sa kabilang banda, pitong pulis naman ang nasugatan habang naka-duty sa gitna ng mga aktibidad.

Batay sa ulat ni NCRPO Chief PMaj. Gen. Anthony Aberin, dalawa sa mga ito ang naka-deploy sa EDSA Shrine, dalawa sa People Power Monument, at tatlo sa bahagi ng PGA-EDSA.

Bunsod nito, agad na binigyan ng paunang lunas ang anim sa mga nasugatang kapulisan at nakabalik sa kanilang mga istasyon.

Samantala, ang isang pulis ay isinugod sa PNP General Hospital upang sumailalim sa skull X-ray para naman sa karagdagang pagsusuri.

Batay sa datos ng PNP, umabot sa 6,000 ang pinakamataas na bilang ng mga dumalo sa naturang protesta at paggunita sa kaganapan.

Kahit na may ilang kapulisan na nasaktan, nagpasalamat pa rin ang buong pulisya sa mga organizer at kalahok dahil sa disiplinado at maayos na malawakang protesta sa bansa.

Sa kabuuan, binigyang diin ng PNP na naging mapayapa at makabuluhan o matagumpay ang pagdaraos ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution at ‘Trillion Peso March.’