BARANGAY HEALTH WORKERS, ITINUTULAK NA BIGYAN NG MAKATARUNGANG SAHOD AT BENEPISYO — Cayetano

ni Iza Aldana

Ipinagdiinan ni Alan Peter Cayetano ang agarang pangangailangang kilalanin at bigyang-proteksiyon ang Barangay Health Workers (BHW) sa muling pagsusulong sa Senado ng Magna Carta of Barangay Health Workers o Senate Bill No. 1905.

Bilang co-author, sinabi ni Cayetano na panahon na para wakasan ang sistemang boluntaryo na umaasa lamang sa maliit na allowance. Ayon sa panukala, oobligahin ang mga LGU na kunin ang mga BHW bilang job order, contractual, casual, o regular na empleyado upang matiyak ang malinaw na sahod, benepisyo, at seguridad sa trabaho.

Itatakda ng Department of Health ang tamang BHW-to-population ratio, habang susuportahan ng DOH at ng Department of the Interior and Local Government ang mga LGU sa pamamagitan ng Special BHW Assistance Program.

Binigyang-diin din ni Cayetano ang modelo ng Taguig City, kung saan pormal na empleyado ang mga Barangay Health Workers at tumatanggap ng suweldo, bonus, hazard pay, at regular na training.

“Panahon na para maayos na kilalanin at bayaran ang ating Barangay Health Workers—sila ang gulugod ng ating primary healthcare system,” giit niya.