AI HUB AT BAGONG TEKNOLOHIYA SA DEPED, ARANGKADA NA!

Ni Nelle de San Jose

Todo ang suporta ng Department of Education (DepEd) sa bagong tatag na National Artificial Intelligence Center for Research and Innovation (NAICRI) na pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST).

Ayon sa DepEd, malaking hakbang ito para palakasin ang artificial intelligence o AI sa Pilipinas at gawing mas matatag ang long-term AI ecosystem ng bansa.

Makatutulong umano ang NAICRI sa pagpapalawak ng AI research, paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga paaralan, at pagpapalakas ng digital infrastructure at workforce development.

Giit ni DepEd Sec. Sonny Angara, dapat sabay na protektado at handa sa hinaharap ang sektor ng edukasyon.

“Education must be both protected and future-ready,” giit ni Angara. Aniya, gagamitin ang AI para matugunan ang learning gaps at masuportahan na rin ang mga guro.

Kaugnay nito, binigyang diin ng DepEd na may mahigpit na guidelines sa paggamit ng AI sa basic education dahil bawal ang high-risk uses tulad ng pagmamanipula ng mga chatbots para sa mga menor de edad at biometric emotion recognition.

Sa huli, target ng kagawaran na makabuo ng isang AI-ready na henerasyon na binubuo ng mga kabataang kritikal mag-isip, responsable sa teknolohiya at handang maging innovators ng bansa.