ESPLANADE SA CAINTA, ITINUTULAK PARA SA ILOG AT KOMUNIDAD
Ni Iza Aldana
CAINTA, RIZAL | Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Cainta ang isang esplanade project sa kahabaan ng floodway na layong pagsabayin ang pangangalaga sa ilog at pagbibigay ng ligtas, maayos, at bukas na espasyo para sa buong komunidad.
Ayon kay Mayor Keith Nieto, ang proyekto ay tugon sa matagal nang suliranin ng patuloy na pagdami ng mga bahay sa riverbanks, lalo na tuwing tag-init kapag natutuyo ang tubig at nagiging tukso ang lupa para pagtayuan ng tirahan.
Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng dike at limang metrong easement na magsisilbing malinaw na hangganan ng riverbanks. Sa naturang easement, itinayo ang jogging at walking path na magagamit ng mga residente bilang lugar para sa ehersisyo at pahinga, kasabay ng pagprotekta sa ilog laban sa hindi planadong paglawak ng mga tirahan.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa humigit-kumulang tatlong kilometro ang esplanade sa East Bank. Nilagyan ito ng carabao grass, espasyo para sa jogging, ehersisyo ng mga senior citizen, at mga lugar na maaaring tambayan ng mga pamilya. Ayon sa lokal na pamahalaan, nagsisilbi na rin itong alternatibong pampublikong espasyo para sa mga residente na kulang sa open areas.
Plano ring palawakin ang proyekto sa West Bank upang mabuo ang halos pitong kilometrong walking at recreational area sa magkabilang panig ng ilog. Tiniyak ng alkalde na ang proyekto ay pondo ng lokal na pamahalaan at walang ginamit na pondo mula sa pambansang gobyerno.
Dagdag pa ng pamahalaang bayan, lalagyan ang esplanade ng sapat na ilaw, police outpost para sa seguridad, at kontroladong kiosks na maaaring magsilbing karagdagang kabuhayan ng mga residenteng nakatira sa paligid. Bibigyang-diin din ang kaayusan at kalinisan upang mapanatiling maayos at kaaya-aya ang lugar.
Para sa lokal na pamahalaan ng Cainta, ang esplanade ay higit pa sa isang imprastraktura—isa itong pangmatagalang hakbang para sa maayos na urban development, proteksiyon ng ilog, at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng komunidad.
Panoorin ang video: https://www.facebook.com/reel/1649207932899733
