KAMARA, APRUBADO NA ANG PANUKALA SA PAGGAMIT NG MEDICAL CANNABIS SA BANSA

Ni Nelle de San Jose

Inaprubahan na sa joint hearing ng House Committee on Dangerous Drugs at House Committee on Health ang panukalang batas na magpapahintulot sa ligal na paggamit ng medical cannabis sa Pilipinas.

Ayon sa naturang panukala, papayagan ang limitadong paggamit ng cannabis para sa mga pasyenteng may malubhang karamdaman, ngunit mahigpit na imo-monitor pa rin ito ng gobyerno.

Magkakaroon rin umano ng Medical Cannabis Advisory Council para bantayan ang implementasyon at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Mainit naman na nakasuporta ang Philippine Drug Enforcement Agency, at Philippine National Police, at Dangerous Drugs Board basta’t may malinaw na patakaran para maiwasan ang pang-aabuso sa paggamit ng Marijuana.

“Dahan-dahan at may sapat na pag-iingat ang pagbubukas ng access sa medical cannabis. Layunin nating mapanatili ang balanse sa pagitan ng kaligtasan at pangangailangang medikal,” giit ni Committee Chair Jonathan Keith Flores.

Sinabi naman ni Brian Poe ng FPJ Panday Bayanihan Party-list na ang panukala ay hindi para sa recreational use kundi bilang alternatibong lunas para sa mga pasyente.

Nilinaw rin ng Bayanihan Party-list na ang panukala ay pawang alternatibong lunas lamang para sa mga pasyente at hindi angkop sa recreational use at hindi para sa bisyo.

Iginiit anila na kapag tuluyang naipasa na ang panukala ay magkakaroon ng maayos na proseso para mabigyan ng access ang mga pasyente na gamiting ito.

Sa kasalukuyan, batay sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, bawal pa rin ang pagtatanim, pagbebenta at paggamit ng marijuana nang labag sa batas.