BSKE ELECTIONS, IPAGPAPALIBAN; P16B PONDO GAGAMITIN vs OIL CRISIS
Ni Ernie Reyes
Binigyan ng pamamaraan ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson ang Commission on Elections (Comelec) na gamitin ang P16 bilyong pondo laban sa krisis sa pamamagitan ng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Nobyembre.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na labag sa Saligang Batas ang pag-realign ng badyet ng Commission on Elections (Comelec) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) patungo sa mga ahensiyang nasa labas ng Comelec.
Ngunit, aniya, may paraang konstitusyunal upang maipatungo ang nasabing pondo para sa pagtugon sa krisis, ayon kay Lacson.
Pinawi ni Lacson ang pangamba ni Comelec Chairman George Erwin Garcia hinggil sa mga panukalang ipagpaliban ang BSKE at gamitin ang tinatayang P16 bilyong hindi pa nagagastos na pondo nito upang tugunan ang krisis sa langis na dulot ng sigalot sa Middle East.

“What the Chairman says is true. Funds allocated to the Comelec cannot be realigned to items outside it because that would be unconstitutional. But the allocations can still be treated as savings – Comelec may opt not to spend the funds for the BSKE and declare them as savings to be returned to the Treasury,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Garcia sa panayam sa DZBB radio nitong Lunes na sa humigit-kumulang P19 bilyong inilaan para sa BSKE sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), nasa P3 bilyon na ang nagastos para sa paghahanda.
Aniya, bagama’t may kapangyarihan ang Kongreso na muling ipagpaliban ang BSKE, ipinagbabawal ng Konstitusyon ang pag-realign ng pondo ng Comelec patungo sa ibang ahensiya — subalit matapos ipabatid sa kanya ang tugon ni Lacson, sumang-ayon si Garcia dito.
“Yes po, yun talaga ang tama at tama po si Senator Ping Lacson. Kapag sa amin … yung lahat ng savings namin, pwede naman namin maibalik yun o hindi natin gagastusin. So yung siguro ang isang strategy na pwede nila pag-isipan kung saka-sakali ng ating Kongreso, hindi ililipat pero hindi halimbawa itutuloy ang halalan, hindi namin gagastusin ang pondong nasa DBM pa,” aniya.
“At the same time pagka po ito ay hindi nagamit, savings na po yan and therefore maibalik po yan sa ating treasury at therefore magagamit maaari sa ibang pagkakagamitan pag natapos na po itong date kung dapat kung saan gagawin dapat ang ating halalan,” he added.
Ang BSKE, na orihinal na itinakda noong Disyembre 1, 2025, ay inilipat sa Nobyembre 2 ngayong taon. Nagtutulak ang ilang mambabatas ng panibagong pagpapaliban nito dahil sa nagpapatuloy na krisis sa langis.
