Nag-abot ng tulong sa Indigenous People (IP) sa critical area: 1st  PANGASINAN PROVINCIAL MOBILE FORCE COMMANDER LTCOL LEONARD C. PAREDES

MALAWAK ang (AOR) o area of responsibility ni Force Commander LtCol. Leonard Paredes, na sakop ang 1st, 2nd at 3rd District ng Pangasinan, kasama ang munisipalidad ng Mabini, Pangasinan, na kilala na may matataas at masusukal na kabundukan at critical na lugar, kaya’t pinamumugaran ito noon ng maka-kabilang grupo. At ayon kay Commander Paredes, sentro umano ang lugar na ito noon ng counter-insurgency operations sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga New People’s Army (NPA). Ang nasabi ring lugar  ang ginagawa umanong  training ground ng mga rebeldeng grupo.

Ayon pa kay LtCol. Paredes, takot ang mga tao kapag nakakakita sila ng mga naka uniporme na mga kalaban dahil ‘yun ang ipinamulat ng mga NPA sa kamalayan ng mga naninirahan doong IPs.

   Gayunpaman, malalimang sinuri ni Lt.Col. Paredes ang lugar na naroon ang komunidad ng ating mga Indigenous People na kinabibilangan  ng mga tribung Ibanag, Igorot at Kankanaey na sa ngayon ay natayuan na rin ng munting paaralan sa nasabing lugar.

    Upang mapanitili ni Lt.Col. Paredes at ng kanyang buong tropa ang tiwala ng mga naninirahan doon, inalam nito ang mga pangangailangan ng paaralan at ang kailangan ng mga guro at mga mag-aaral. Nakita nila ang kakulangan ng gamit pang-komunikasyon para sa mabilis at agarang response sa mga magiging problema sa lugar. Wala pa ring linya ng kuryente at ang kakulangan ng sapat na suplay ng pagkain, gamot at mapagkakakitaan ng mga tao sa komunidad.

   Sa malusog  na imahinasyon ni Lt.Col. Paredes, napagtanto niyang lubhang mahirap ang sitwasyon na kanyang susuongin, subalit buo ang kanyang loob sa kanyang  layuning makatulong. Kaya’t siya ay naghanap ng mga alternatibong posibilidad na  makatutulong at makakatuwang sa kanyang adhikain na hindi naman siya nabigo.

Sa tulong ng iba’t ibang grupo tulad ng mga Non-Government Organization (NGO) at ng professional practitioners tulad ng mga doctors para sa mga medical missions  at lawyers para sa free legal assistance, ay naisakatuparan ni Lt.Col. Paredes ang kanyang mithiin para magkaroon ng stake holders na magkakaloob ng mga nasabing mga serbisyo.

Sa pamamagitan ng Eagles Club, ay ipinagkaloob ni Mr. Salvador Marquez ang Starlink para sa free Wi-Fi connection, na pangunahing layunin nito ang maipaabot agad ang  impormasyon sa mga kinauukulan ang anumang mga problema na posibleng mangyari sa kanilang lugar upang maging maagap ang pagresponde ng tropa ni Commander Paredes.

   Naroon din ang National Bureau of Investigation (NBI) Director ng Alaminos City si Atty. Fabie Matib, kasama ang Princess Urduja Lady Eagles Club, na namahagi  ng mga school bags, mga damit at mga laruan para sa mga bata.

  Ganoon din ang 1st PFMC Advisory Council Atty. Geraldine Jaquias, na nagbigay ng lecture ukol sa karapatan ng mga bata at kababaihan  sa ilalim Violence Against Women and Children (VAWC), Chief Reagan Badidles, 1st PMFC Advisory Council, at si Dr. Patrick Manaois at kanyang team na Pangasinan Medical Society Western Chapter, para sa free medical check-up.

    Naroon din ang team ng JCI Hundred Islands Pres. Jan-Kevin, Department of Labor and Employment (DOLE)  Field Head Mr. Darwin Hombrebuenio, Public Employment Service Office (PESO) Manager Mr. Tor Cabrales, at (TROPA) o Transformative Organization for Peace and ANTI-CRIME.

Kahon-kahong  mga gamot at mga pagkain, ang naiambag ng bawat grupo. Matapos maiayos ang mga donasyon ng bawat grupo, ay nag-ready na  ang tropa ni Lt.Col. Paredes para tumulak upang madala agad ang mga donasyon sa Dalupang Integrated School sa Talahib Villacirta, Mabini, Pangasinan,

   Pero hindi ganu’n kadali maabot ang lugar dahil kailangang tawirin ang apat ng nagtataasang bundok at labing pitong (17) ilog o sapa. Masusi ang ginawang preparasyon ni Commander Paredes at agad nagpadala ng tropa bilang advance party, upang tiyakin na walang magiging sagabal sa daraanan ng mga paparoon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi nakayanan ng isang PNP mobile ang pag-akyat sa bundok at nasiraan ito sa kalagitnaan ng kanilang biyahe.

Gayunpaman, naghanda na rin ang buong grupo na maghatid ng tulong  mula sa 1st Pangasinan Provincial Force Mobile Campany, ay nag-jump off ang buong team ng 5:10 ng umaga at halos isang oras pa bago nakarating sa paanan ng bundok na  roon mag-uumpisa ang hirap patungo sa distinasyon. Hindi motor o truck ang sasakyan kundi ang tinatawag na “POGPOG”, ngunit Hindi rin ganu’n kadali marating ang lokasyon dahil halos dalawang oras pa ang gugulin sa makikipot na daan at malalaking bato na dapat malampasan ng ‘POGPOG’.

   Nang makarating na ang tropa ni Lt.Col. Paredes at buong grupo sa lokasyon, ay labis na katuwaan at kasiyahan ang naramdaman ng bawat lumahok lalo na ang mga benepisyaryo ng nasabing tulong.

(Edizon Cancino)