BABALA: MAGBUBUKAS ANG SPILLWAY GATE NG MAGAT DAM BUKAS
Isang metrong pagbubukas ng spillway gate ang gagawin ng Magat Dam bukas, Hulyo 18, 2025, bilang paghahanda sa inaasahang pag-ulan na dala ng Tropical Depression Crising.
Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), kinakailangang magkaroon ng maagap na aksyon upang makaiwas sa posibleng pagtaas ng tubig sa dam.
Sa ngayon, ang water elevation ng Magat Dam ay nasa 134.14 meters above sea level, habang ang average inflow nito ay 183.11 cubic meters per second (cms). Sa kasalukuyan, 155 cms ang ginagamit para sa power generation at irigasyon.

Bukas, bandang 9:00 ng umaga, bubuksan ang isang spillway gate nang isang metro ang taas, na maglalabas ng tinatayang 150 cms na tubig. Layunin ng NIA-MARIIS na kontrolin ang water elevation ng dam bago pa man dumating ang inaasahang 35 millimeters ng ulan mula kay Tropical Storm Crising.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng proactive measures upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng tubig at masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad sa ibaba ng dam.
#MagatDam #CrisingPH #DisasterPreparedness
(Weng Torres)
