“ANG MATAMIS NA PANGAKONG 10% KADA BUWAN, NAGDULOT NG PAIT”

edizon

Nakakaawa, nakakainis, at nakakapanlumo. Ito marahil ang pinagsanib na sentimyentong bumabalot sa libo-libong residente ng San Carlos City at iba pang lugar na naloko sa ISANG MALAKING SCAM na nangako ng diumano’y sampung porsyentong tubo buwan-buwan. Ang tanong na bumabagabag sa pulso ng bayan ay kung bakit hindi pa rin tayo nadadala sa ganitong klaseng “magic” na pangako, at saan ba dapat papunta ang ating galit, sa mapanlinlang na operator o sa ating sariling pag-asang mabilis yumaman?

Isipin natin ito! ang sampung porsyento bawat buwan. Sa simpleng matematika, ang perang ininvest mo ay higit doble sa loob lamang ng isang taon, kasama pa ang umano’y “buo” mong kapital. Sa isang bansang ang interest sa bangko ay nasa maliit na bahagi ng isang porsyento lamang babawasan pa ng kung anu-anong tax, sino nga ba ang hindi ma-e-engganyo? Dito pumapasok ang malalim na ugat ng problema, ang desperasyon at ang pangarap ng mas maginhawang buhay. Sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng magandang oportunidad, ang ganitong pangako ay parang isang tubig sa gitna ng disyerto. Ngunit hindi ba’t kadalasan, sa disyerto, ang tubig na nakikita ay ilusyon lamang?

Ang masakit sa kwentong ito, tulad ng nabanggit, ay ang pagdating ng mga sariwang investor mismong bago ang raid ng National Anti-Cybercrime Unit (NACO). Para bang huling hirit ng negosyo bago tuluyang magsara ang pinto. Ito ang karaniwang palatandaan ng isang ponzi scheme, kinakailangan ng patuloy na pagpasok ng bagong pera mula sa bagong investor para mabayaran ang “tubo” ng naunang mga investor. Isang bangungot na domino effect na sa oras na humina ang pagpasok ng bagong pera, o sa oras na masipat ng awtoridad ang ilegal na operasyon, ay tuluyang gumuguho.

At ngayon, ang malaking tanong: maibabalik pa ba ang pera? Ang katotohanan, sa kasawiang-palad, ay masalimuot. Kapag ang isang operasyon ay wala nang pondo at walang lehitimong asset na maaaring i-liquidate, ang pag-asa ay napakaliit. Ang pag-asa ay nakasalalay na lamang sa maingat na imbestigasyon ng awtoridad upang masundan ang daloy ng pera at ma-freeze ang anumang natitira o nakatagong asset ng mga operator. Ngunit ito ay isang mahabang prosesong legal na puno ng hirap at walang kasiguraduhan.

Kaya’t sino ba ang dapat sisihin? Syempre, ang pangunahing batikos ay dapat papunta sa mga operator na walang awa at konsensya, na gumamit ng teknikal na salita at kumplikadong presentasyon para linlangin ang ordinaryong mamamayan. Ngunit hindi ba’t may responsibilidad din tayo bilang mga mamumuhunan? Sa ating paghahangad ng mabilisang ginhawa, kinalimutan na nating tignan kung may business permit, kung rehistrado ba sa Securities and Exchange Commission (SEC), at kung ang pangakong tubo ba ay realistiko sa tunay na mundo ng negosyo?

Ang aral dito, bukod sa paulit-ulit na babala laban sa “get-rich-quick” schemes, ay ang pangangailangan ng mas malalim na financial literacy. Hindi sapat ang sabihing “mag-ingat.” Kailangang maunawaan ng karaniwang Juan at Maria na ang anumang investment na may panganib ay dapat may katumbas na potensyal na tubo na makatotohanan. At ang pinakamahalaga, kung ang isang offer ay parang “too good to be true,” malamang sa malamang, ito nga ay hindi totoo.

Sa huli, habang naghihintay ng himala ang mga biktima ng JRLKwarta Trading Co., ang kwentong ito ay isang malaking salamin sa ating lipunan. Ipinapakita nito ang ating kolektibong kahinaan at ang ating walang kamatayang pag-asa. Ngunit sana, sa susunod, ang pag-asa natin ay ilagay hindi sa isang anonymous Facebook post o sa pangako ng isang di-kilalang kumpanya, kundi sa sariling kakayahan, sa maingat na pagpaplano, at sa lehitimong oportunidad na dadaan sa tamang proseso. Hindi ba’t mas masarap ang tulog sa gabi kapang alam mong ang iyong pinaghirapan ay ligtas, kahit paunti-unti ang tubo, kaysa sa isang panaginip na sampung porsyento na sa umaga ay wala na pala?