VLOGGER, HPG COP TATALUPAN ESCORT FOR HIRE MODUS
BUKOD sa mga mucho-dinerong Chinese nationals, pati mga vlogger ine-escort din pala ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang viral video na in-upload ng hindi pinangalanang vlogger, huli sa akto ang isang pulis na lulan ng motorsiklo na kahawig ng mga ginagamit ng motorcycle unit ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG). Sa isang pahayag, nilinaw ng pamunuan ng PNP-HPG na hindi kinukunsinti ng pamunuan ang anila’y katampalasan ng ilang sumisira sa imahe ng pambansang pulisya.
Target din anilang maglunsad ng imbestigasyon sa pagnanais na matukoy ang pulis na binayaran di umano ng isang vlogger para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa mga lansangan.
“We will file the necessary cybercrime-related offenses [against] those individuals who will post any malicious statement that will malign/tarnish the image of the HPG and the possible criminal and administrative charges for our personnel,” wika ng HPG, kasabay ng giit na pananagutin pati ang vlogger. Sa isang Instagram post, ipinagmalaki pa ng isang vlogger sa pangalang social media Mary Joy Santiago ang asawang di umano’y nagbayad ng HPG escort para hindi maabala sa kalsada tuwing may lakad.
“How can I settle for less when my husband hired an HPG escort para lang hindi ako ma traffic sa pupuntahan ko,” saad sa Instagram post na mabilis na kumalat maging sa ibang social media platforms. Bago pa man ang naturang insidente, nagbabala na si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil laban sa mga pulis na rumaraket bilang escort at bodyguard ng mga “rich and famous.”