DZRH REPORTER, KINUYOG NG MGA MIYEMBRO NG MANIBELA

val12121-1

KUNG hindi pa sa pagiging alisto ng kapwa journo, malamang bugbog-sarado ang isang DZRH reporter matapos kuyugin ng mga raliyistang miyembro ng militanteng transport group sa kahabaan ng East Avenue sa Quezon City.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas 9:00 ng umaga nang dumugin at upakan ng mga tsuper na miyembro ng grupong Manibela si DZRH reporter Val Gonzales sa gitna ng pag-uulat sa kaganapan sa unang araw ng tigil-pasadang ikinasa bilang pagtutol sa PUV Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Hindi umano nagustuhan ng mga welgista ang bahagi ng ulat ni Gonzales kung saan binanggit ang mabigat na daloy ng trapiko sa nabanggit na bahagi ng lungsod bunsod ng isinagawang protesta.

“Habang ako ay nagrereport bigla silang sumugod — natanggal pa nga itong sapatos ko at bukod doon ay nasira yung earphone na ating ginagamit sa monitor,” ani Gonzales.

Kung hindi pa aniya sa tulong ng kanyang cameraman na si Dennis Villanueva, posibleng higit pa aniya ang tinamo niyang sakit sa katawan.

Samantala, kinondena ng iba’t ibang grupo ng mga mamamahayag ang anila’y pananakit kay Gonzales na ginagawa lamang ang kanyang trabaho bilang reporter.

“The emotions and perceptions stemming from whatever our colleague reported is never a justification to subject a journalist to physical harm,” saad sa pahayag ng Defense Press Corps (DPC) na nakabase sa Kampo Emilio Aguinaldo sa nasabi ring lungsod.

Panawagan ng DPC sa Manibela na nag-organisa ng kilos protesta, kontrolin ang mga miyembro kasabay ng giit na igalang ang kalayaan sa pamamahayag.

“In the same way the press is instrumental to extend the reach of sectors seeking redress for grievances against the government, so too should these sectors value, respect and safeguard the safety of journalists towards the betterment of society,” dagdag ng DPC.