Bakit bagsak ang 50th Metro Manila Film Festival?

e803c2e3-a6f4-431f-8ea9-8ce5e7f90b6f

Gaano man paikut-ikutin o tayutayin ang mga kataga at imahen para himasin o pabanguhin ang resulta sa takilya ng nakaraang 2024 Metro Manila Film Festival ay lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan—hindi ito kumita para lagpasan ang kinita ng nakaraang 49th MMFF kung saan tumabo sa takilya ang mas nakarararaming lahok nito.

Kung nakaisang bilyong piso (P1B) ang 2023 MMFF—dahil na rin sa mas malaking ambag ng kita ng “Rewind” nina Marian Rivera at Dingdong Dantes mula sa Star Cinema at AgostoDos Pictures, sainasabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ang pampayong na organisasyon na namamalakad sa taunang pestibal, na humigit-kumulang sa P800M ang pumasok sa lukbutan ng ahensiya.

Gayunman, nagpasubali ang administrayon nito na nahigtan pa ang inaasahang kita ng ika-50 MMFF.

‘Yon na nga ‘yon.

Humigit-kumulang sa P800M.

Samakatuwid, P200M ang diprensiya para masabing nahigitan ang inaasahang target para sa kaha ng MMDA.

Hindi ba paurong?

Parang lumalakad o gumagapang ang kalabasa, naiiwan ang bunga?

Hindi na sumulong o umabante ay umurong pa.

Parang ibinalik din sa dating kita noong 2022 o sa mga mas nauna pang edisyon ng pista ng pelikulang Pilipino tuwing Disyembre ng bawat taon, may pandemya o wala.

Hindi man opisyal na ulat, sinasabing sa kabuuang kitang P800M, P400M ang ipinasok na pera ng pelikulang “And the Breadwinner Is….” sa lukbutan ng Star Cinema at IdeaFirst Company.

Samantalang ito ay pinangunahan ni Vice Ganda na siyang itinuturing na perennial box-office ng festival mula nang isali ang kanyang mga pelikula sa pista bagamat maituturing na malaki na rin itong resibo pero mas inaasahan pa—kundi man ng ABS-CBN Film Productions o ng IdeaFirst Company—ay ng MMFF mismo o ng mga tagapag-obserba ng kasaysayan ng pelikulang Pilipino.

Inilabas ng MMDA ang rekord na ang ikalawang malaking kinita ay ang “Green Bones” nina Dennis Trillo at Ruru Madrid sa direksyon ni Zig Dulay para sa GMA Pictures at ikatlo ay ang “The Kingdom” nia Vic Sotto at Piolo Pascual sa direksyon ni Michael Tuviera para sa M-Zet Productions, MediaQuest at APT Entertainment.

Gayunman, walang mga bilang o figures na katumbas o katapat ang ranking o pagkakasunud-sunod na ito.

Huhulaan na lang natin kung ano.

Nakakalungkot isipin na kung kailan pa tinataya o itinalagang mga de-kalidad ang mga kasaling pelikula—“Espantaho” nina Judy Ann Santos, Chanda Romero, Lorna Tolentino at iba pa sa direksyon ni Chito S. Rono para sa Quantum Films; “Uninvited” nina Vilma Santos, Aga Muhlach at Nadine Lustre sa direksyon ni Dan Villegas para sa Mentorque Productions; “Hold Me Close” nina Julia Barretto at Carlo Aquino sa direksyon ni Jason Paul Laxamana para sa Viva Films at Ninuno Media, Inc.; “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital” nina Enrique Gil, Jane de Leon at iba pa sa direksyon ni Kerwin Go para sa Reality MM Studios; “Isang Himala” nina Aicelle Santos, Bituin Escalante, David Ezra at iba pa sa direksyon ni Pepe Diokno para sa Kapitol Films at UXS ; “My Future You” nina Francine Diaz at Seth Fedelin sa direksyon ni Crisanto Aquino para sa Regal Entertainment at “Topakk” nina Arjo Atayde at Julia Montes sa direksyon ni Richard Somes para sa Nathan Films.

Ayon sa di-opisyal na tala, ang kulelat sa kita ay ang “Isang Himala” na humakot lamang umano ng P4M sa dalawang linggong pagtatanghal nito.

May extension pa ang pestibal na nagwakas noong ika-14 ng Enero, 2025 pero mukhang hindi pa rin nahila nang mas matindi ang pagkita ng mga obrang ito.

Totoo nga bang de-kalidad at pampestibal ang sampung pelikulang ito?

Kung pagbabatayan ang mga rebuy at kristisismo sa mga lahok, maraming papuri ang inilalaan sa mga ito.

Apologetic—kahit hindi ito tuwirang sinasabi ng upisina—ang MMDA sa kinahinatnan (lalo na sa takilya) ng 2024 MMFF pero kumakabig naman ito o nagdedepensa na inilabas naman nito ang matagal nang hiling ng madling pipol o ng mga kritiko na magaganda o lohikal namang mga lahok ang iparada sa pista.

Gayunman, “sumablay” ang sapantahang magsasampa ng higit na grasya ang mga kalahok.

Kung hindi si Jun Robles Lana ang nagdirek ng “And the Breadwinner Is…,” mas Malaki kaya ang kinit anito kaysa P400M?

Kilalang matino at premyadong direktor si Jun pero kung pinawardi-wardi na lang ang paggawa ng pelikula, mas pinag-aksayaha pa kaya ito ng mas maraming tagapanood?

Mukhang hindi.

O kung ibinalik ang pagpapatawa o komiko ni Vic Sotto sa “The Kingdom” tulad ng kanyang karakter na Enteng Kabisoeta, mas marami pa kaya bumili ng tiket para rito?

Mukhang hindi rin.

Mahusay din namang lumikha ng mga sitwasyong nakakatawa si Mike Tuviera na hindi lang pang-aksyon at pandrama kaya pinasok pa rin ito.

Balitang laglag din sa takilya sina Carlo at Julia at dapat daw ay iba na ang isinaling pelikula.

Ang isang inuugat na problema kung bakit hindi masyadong patok ang ika-50 MMFF ay dahil napakamahal ng tiket.

Karamihan o kadalasan ay P500 o higit pa ang bayad isang pelikula.

Sa hirap ng buhay—at hindi naman pinapansin ng masa ang tunay na ugat ng paghihikahos—mas pipiliin pa ng mga tagapanood na ibili ng ilang kilong bigas o pang-ulam ang ibabayad sa sinehan.

Bakit nga ba hindi ayudahan ng gobyerno ang industriya ng pelikulang Pilipino, una na’y pagbakas sa puhunan ng mga prodyuser sa mahal ng produksyon o kaya ay babaan ang presyo ng tiket?

Sa South Korea, ayon sa mga taga-pelikula, kabilang si Jonathen Kim na prodyuser ng “My Sassy Girl,” kaya umunlad ang kanilang industriya ay dahil sa ipinaglaban nila ang pagtaas ng sahod o suweldo ng mga manggagawa sa showbiz kundi man kapantay ng mga sikat ay mataas at may dignidad sa pagkita.

“Pinaalis din namin ang (We get rid of) censorship,” pahayag ni Jonathan na aming isinalin sa Filipino.

Marami ring kalaban ang pagtatanghal ng 2024 MMFF kabilang ang live streaming ng magagandang pelikula, dayuhan man o lokal o katutubo, mula halimbawa sa Netflix o Amazon o Prime na napapanood lang sa loob ng bahay o sa kotse o labas ng sinehan at hindi na makikipagsiksikan pa sa trapiko o sagabal sa kalye bago makapasok sa sinehan.