Kandidatong Mayor sa Pagsanjan: Walang Isang Salita?

NAGLABASAN ngayon ang mga komento tungkol sa mga kaganapan sa nakaraang NAT’L PEACE RALLY ng mga kapatid natin sa INC o Iglesia Ni Cristo, May mga pulitiko na dumalo, nakiisa at nagpahayag ng kanilang suporta at ang ilan naman ay tila di naman nabahala, tulad na lamang ng komento ni dating Sen Leila De Lima, na ito ay di makaka-apekto sapagkat minority lamang ang kanilang bilang kumpara sa mahigit isandaang milyong Pilipino. Sinundan ito ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na bakit sila nag-rally eh wala naman grievances na dapat ayusin, at ang nakita niya dito ay isang political pressure lamang, humingi din naman ng paumanhin at nagpaliwanag kung bkit niya nito nasabi. At mayroon pa akong narinig na sinabi ng isang king-maker daw (taga Batangas) na ang banggit ay bakit naming iintindihin ang block voting ng INC eh halos 3-5 porsyento lang naman sila ng kabuuan.
Isang Epipanio Labrador naman ang galit na galit sa social media, at may kasama pang pagmumura sa tagapamahalang pangkalahatan ng INC na si Kapatid na Eduardo V. Manalo, may paratang din sya na bayad ang mga INC kaya sila nagrally. Ito naman yata ngayon ay nasa legal ng paguusap at humingi na ng dispensa sa social media public apology.
Kilala ang pamunuan ng relihiyong ito na wala silang kinikilingan, kahit kapamilya, kung ito ay nagkamali ito ay kanilang didisiplinahin, kahit ito ay nasa mataas na pa katungkulan ito ay dapat managot sa kanyang pagkakamali.
Sa mga napipisil nila na mga pulitiko at nakapasa sa kanilang panuntunan isang malaking tagumpay ang naghihintay sa mga ito, kaya naman lahat yata ay lumalapit sa kanilang pamunuan para makiusap ngunit syempre iilan lamang ang napagbibigyan. Maraming natutuwa, maraming napahihindian, at alam natin na karamihan sa kanilang ineendorso 80 porsyento pataas ay nananalo sa halalan. Kaya madaming nagmamahal sa INC pero syempre mayron din naman mga nagtatanim ng sama ng loob at hindi maiiwasan.
Sa mga nakaraan eleksyon may mga taong naglabas ng sama ng loob. Tulad ng mga narinig natin, sa norte may isang tumakbong gobernador daw na nagsalitang kahit di siya dalhin ng INC ay mananalo siya, sa dami daw ng kanyang salapi, kinalabasan natalo ito sa halalan. Isa pa itong sumabak sa Metro Manlia mayors, isang dating mayor na laging dinadala ng mga kapatid sa Iglesia tuwing eleksyon, ngunit ng magbago ang kanilang napupusuan, ay tila isang dragon na nagalit at nagpatugtog pa ng malakas sa harapan ng kapilya habang may nagaganap na pagtitipon, at sabi nga ay kayang kaya nyang manalo kahit pa hindi siya dalhin, kinalabasan talo ang batikang mayor.
oOo
Madaming nagsalita ng hindi maganda sa Iglesia pero sa dulo sila ang apektado, tulad na lang din ng isang sikat na aktor (idol ko pa nga) at tumatakbong mayor ng Pagsanjan, Laguna na minsan ng nagsalita daw na hindi nya kelangan ang boto ng Iglesia mananalo siya, ang resulta ___.
Ilan lamang sila sa mga puli-tikong nagsasalita na di nila kelangan ang kaisahan ng INC pero bakit sa tuwing ang eleksyon ay nalalapit lagi pa din silang (kung di man sila) luma-lapit?
Ang tanong ko lang dito ay kung ang mga pulitikong ito, na kayang lunukin ang salitang kanilang binitiwan laban sa INC, dapat pa ba silang pagkatiwalaan?
Hindi siguro tayo dapat basta basta magbibigay ng tiwala sa mga taong ito, dahil kung sa malaking organisasyon nga na ito minsan na nilang naloko, tayo pa kayang pangkaraniwang tao lamang ang hindi nila kayang magoyo.
Napagusapan lng ang ganitong paksa na aking lamang isinulat. Mga usap-usapan sa kalsada, sa labas ng bahay, sa trabaho at nakalap sa social media.
Dahil talaga naman mainit ang usapan sa pulitika at ang lahat ay nakatingin at nag aabang sa kanilang pasya at kung sino ba ang dadalhing pangalan ng malaking organisasyon na ito.
KSPHO sa RoadNews