MATAAS NA PRESYO NG BIGAS ‘DI KAYANG SOLUSYUNAN NG PBBM ADMIN

LABIS nagtataka ang mga Pilipino kung bakit hindi kaya solusyunan ng kasalukuyang Administrasyon ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos. Jr. ang mataas na presyo ng bigas sa buong bansa. Sa panayam ng ROADNEWS Investigative Team sa mga taga-Metro Manila simula umano ng umupo sa pwesto si Pangulong BBM noong 2022 hanggang ngayon ay hindi na bumaba ang presyo ng bigas sa halip ay lalo pa itong tumaas.

Ayon sa kanila, sa mga nakaraang administrasyon ay mabibili pang murang bigas mula sa National Food Authority (NFA) na P32 hanggang P36 kada kilo, ngayon ay wala na. Bihira din umano ang mabibiling bigas sa mga pamilihan na mas mababa sa P50 kada kilo, kadalasan umano ay P50 pataas ang presyo ng kada kilo ng bigas. Anila, sa halip napadamihin ang mabibiling murang bigas mula sa NFA ay inalis ito ng gobyerno, kung kaya’t wala na umanong bigas na makikita sa mga palengke na nagmumula sa NFA. Idinagdag pa nila na lagi naman nagkakaroon ng importasyon ng bigas ang Pilipinas sa ibat-ibang bansa sa Asya subalit hindi naman bumababa ang presyo nito sa mga pamilihan.

“Anyare po sa gobyerno natin bakit hindi nila mapababa ang presyo ng bigas? Sino po ba ang kanilang pinopoprotektahan ang mga negosyenteng mapagsamantala?,” ayon sa isang ginang na nakapayam ng ROADNEWS Investigative Team.

Kaugnay nito, inatasan ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine Competition Commission (PCC) na imbestigahan ang rice importer na nakabase sa Davao.

Ang kautusan ang ginawa ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing Jr., sa pagdinig ng Quinta Committee ukol sa problema ng mataas na presyo ng bigas at iba pang pagkain sa bansa na nagpapahirap sa mamamayan. Tinukoy ni Suansing ang Nance II AgriTraders at Davao Solar Best Corporation na pag-aari ni Stuart Santiago at mayhawak umano sa halos 10% sa buong rice importation ng bansa dahil hindi umano tugma ang record ng the Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Customs (BOC) sa kanilang inaangkat na bigas nito.

Isiniwalat ng mambabatas na noong 2022, inisyuhan ng BPI ang dalawa rice importers ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSICs) para umangkat ng 48,852 metric tons ng bigas subalit kung ang record ng BOC, 348,011 metric tons ang kanilang inangkat. “Per BOC records, Nance II and Davao Solar Best imported a total volume of 348,011 metric tons. But the problem, Mr. Chair, as per BPI data, they were only issued SPSICs for 48,852 metric tons. There is a discrepancy of 299,159 metric tons.

Hindi ito naideklara. May discrepancy,” ayon pa kay Suansing. Kailangan din aniyang imbestigahan kung nagbabayad ng tamang buwis ang dalawang nabanggit na kumpanya dahil noong 2023 ay nagbayad ang mga ito ng P2.8 billion na buwis pero mas mababa ang kanilang binayaran bago ito. (ROADNEWS Investigative Team)