MATAAS NA PRESYO NG MGA BILIHIN KELAN KAYA MASOSOLUSYUNAN?

SAWA na sa kahirapan ang sambayanang Pilipino kaya gusto naman nilang matikman ang murang bilihin sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya.

Sa dinami-daming nagpalitpalit na administrasyon o umupong pangulo ng bansa ay tila hindi nabibigyan ng solusyon ang usapin sa presyo ng mga bilihin. Tuwing sasapit ang Holiday Season o Kapaskuhan ay awtomatikong nagtataasan ang mga pangunahing bilihin na tulad ng agricultural products. Kabilang sa sinasabing agri-products ay karne, isda, itlog, mantika, asukal, bigas at maraming iba pa.

Sinasabi ng mga nasa gobyerno na kaya umanong tumataas ang mga bilihing ito’y dahil sa tinatawag na “supply and demand.” Ang tinatawag na “supply and demand”, kapag maraming produkto na tulad ng bigas ay awtomatiko daw itong bababa ang presyo, pero kapag kinapos naman daw ang supply ng bigas ay awtomatiko ring tataas ang bawat kilo nito. Subalit, bakit kahit na maraming supply ng bigas ang Pilipinas ay hindi naman bumababa ang presyo nito?

Sa katunayan kahit na panahon ng anihan ng mga magsasakang Pilipino sa kanilang mga palayan, sinabayan pa ng importasyon ng bigas ay hindi naman bumaba ang presyo nito sa mga pamilihan?

Ilang beses na rin nagsagawa ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado sa usapin ng bigas ay hindi naman nabibigyan ng solusyon ang problemang ito. Sinasabi rin na isa sa mga nakakaapekto ng pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa kasama na ang bigas ay ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo. Lahat kasi ay ginagamitan ng mga produktong petrolyo, mula sa pagtatanim, pag-aani, pagpapagiling ng palay para maging bigas, at pagdadala nito sa mga pamilihan. Nariyan din ang mataas na presyo ng pataba sa mga pananim.

Hindi kaya ito ginagawang mga dahilan lamang? Sa kabila nito ay hindi inaamin ng mga nakaupong opisyal na isa sa mga nakakaapekto sa mataas na presyo ng mga bilihin ay sobrang pamumulitika sa Pilipinas. Sa halip na mabigyan ng solusyon ang mga problema na tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay ang personal na interest ng mga politiko ang kanilang pinagtutuuan ng pansin.

Kaya naman tuwang-tuwa ang mga mapagsamantalang negosyante dahil hindi napapansin ang kanilang ginagawang pananamantala sa pamamagitan ng basta na lamang sila nagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto.

Tila hindi na rin pinapansin ng mga negosyanteng ito ang dalawang ahensiya ng gobyerno na kinabibilangan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na dapat sila ang magtatakda ng presyo ng mga pangunahing bilihin. May pag-asa pa kayang bumaba ang presyo ng mga bilihin? Sino kaya ang makagagawa nito?