ORAS NG ELEKSYON: SAKIT NG BAWAT PILIPINO AT ANG KANSER NG LIPUNAN

adeea8f1-294c-4247-82b8-c3cd7e90c1a4

ILANG araw na lang at opisyal nang magbubukas ang kampanya para sa Halalan 2025, makaririnig na naman tayo ng mga pangakong alam naman nating mapapako. Maglilipana na naman ang mga propagandang alam naman nating malabong maging totoo pero maniniwala pa rin tayo.

Makakikita na naman tayo ng Bong Revilla na sumasayaw at walang ilalatag na plataporma, magkakaroon ulit ng Robin Padilla na dadaanin ang mamamayan sa angas at kasikatan bilang artista, ang halalan.

Andiyan ulit ang mga dinastiyang hindi mabuwag buwag, kahit na malinaw na iniuutos ng ating Saligang Batas na dapat ay gumawa ang kongreso ng batas na nagbabawal dito.

May mga mabubulag na naman sa maliit na halagang kapalit ng boto; at may mga bagong maluluklok dahil sa kanilang pagiging pekeng makamasa. Sakit ba ng mga Pilipinong paulitulit lamang ang iboto? Sa aking opinyon ay hindi, dahil hindi ito kasalanan ng milyong-milyong Pilipinong umaasa na bibigyan sila ng programa para makaalpas sila sa kahirapan.

Hindi kasalanan ni Aling Mercy na ibinenta niya ang boto niya kapalit ng isanlibong piso para may pantustos sila sa araw-araw; at lalong hindi kasalanan ni Lolo Pedro na ibinoto niya ang pulitikong nag-abot ng kaniyang Senior Citizen pension sa harap ng munisipyo. Hindi mangmang ang mga taong bumoto kila Robin at Lito, sadyang pinagkaitan lamang sila ng pagkakataong malaman na hindi basehan ang kasikatan upang maluklok sa pwesto. Hindi rin naman kasalanan ni Jose na ibinoto niya si Congressman na nagbigay sa kaniya ng guarantee letter noong naospital ang anak niya.

Hindi ko rin marahil masisisi ang mga mamamayang paulit-ulit na naniniwala at umaasang mabibigyan sila ng mga TRAPO ng maayos na pamumuhay. Sa tingin ko’y wala naman silang kasalanan sa kanilang kawalan ng sapat na kaalaman tungkol sa kung ano ba ang nararapat na gawin upang makasama sila sa pagunlad ng bansang ang tanging nakikinabang ay ang mga pinakamayayaman. Pakiramdam ko ay ang kawalan ng akses sa edukasyon at impormasyon ay isang sistemang matagal nang ipinatutupad upang manatili ang kontrol ng mga nakaupo sa pwesto.

Marahil hindi na ito opinyon, isa na itong tanong pasra sa mga nakapwesto. Ma’am/ Sir, hanggang kailan ba ninyo gagawing mangmang ang bawat Pilipinong naniniwalang nakaupo kayo upang i-representa ang kanilang mithiin? Hanggang kailan po ninyo haharangin ang mga isinisumiteng batas na para sa mamamayan para bigyang daan ang inyong mga subdivision projects, at pagpapapogi sa Senate Hearing, Hanggang kailan kayo kakapit na parang mga kanser na pinahihirapan ang mga Pilipino dahil sa inyong korapsyon at makasariling interes?

Maraming magbibigay ng kanilang argumento na pakiwari ko’y hindi pinag-isipan, na “hindi gobyerno, magsipag kayo”. Marahil tama ngang kailangan ng sipag upang umasenso, ngunit hindi po ba’t balewala ang sipag kung walang oportunidad na ihahain ang pama-halaan?

Hindi kulang sa sipag si Mark na noong nakapagtapos siya ngkolehiyo ay walang bakanteng trabaho; Kasalanan ito ng mga hindi naman totoong nagseserbisyong nakaupo na imbis na ang asikasuhin ay ang kung paano mapalalago ang trabaho para sa Pilipino, ang kanilang inaasiakso ay ang pagpapalawig ng kanilang imperyo’t oligarka.

Nais ko itong tapusin sa isang seryosong tanong para sa mga kapwa ko botante:

“Kung hindi ikaw, sino?Kung hindi ngayon, kailan? Kailan natin tatapusin ang pagpapakain ng ating mga boto sa mga totoong kanser ng lipunan?