“BAGONG BOSES” NG LUMANG PULITIKA

“BITBIT ng aking pagtakbo ang bagong boses sa gobyerno”, sambit ng isang kandidatong nanggaling sa pamilyang matagal nang nakikipaglampungan sa pwesto. Makikita rin ang kaniyang mga naglalakihang tarpaulin kahit na hindi pa man nag-uumpisa ang pagpapasa ng certificate of candidacy. Isang malinaw na pang-aabuso sa pahayag ng Korte Suprema na hindi naman daw ito premature na pangangampanya. Bagong boses nga ba na para sa mga mamamayang Pilipino o bagong boses ng makalumang pulitikang matagal nang umiiral sa bansang Pilipinas?
Villar, isa na namang Villar ang may maingay na pangalan sa paparating na Halalan 2025. Kilala siya sa islogan niyang “Bagong Boses”, at bilang isang miyembro ng pamilya Villar – isang dinastiya hindi lang sa pulitika ngunit maging sa negosyo. Kung sino si Camille at ang kaniyang pamilya, ngayon natin pag-usapan. TRAPO o Traditional Politician, ganiyan ko marahil sila mailalarawan. Mapagpanggap at maingay na ipinagsisigawan ang kanilang mga nagawang batas na animo’y hindi ito ang kanilang trabaho. Mga pulitikong gagawin ang lahat maging kapansin-pansin lamang sa oras ng halalan.
Hindi ba’t nakatatawang mabasa na ang bitbit raw niya ay isang bagong boses? Ngayong kilala siyang nanggaling sa isang pamilyang labis na mapang-abuso sa kapangyarihang ipinahiram ng soberanyang Pilipino. Sino bang makalilimot sa mga iksenang pinaaandar nila sa bawat magsasakang Pilipino upang mapilitan silang ibenta ang kanilang mga ari-arian para patayuan ng kanilang mga itinitindang bahay? Sino ba ang makalilimot sa kanilang pang-aabuso sa kapangyarihan noong ang isang pamilya sa Iloilo ang nawalan ng lupa nang dahil sa kanilang pagpapalawig ng imperyo?
Paano naging “bagong boses” ang TRAPO na nangangako ng pagpapalawig ng trabaho sa oras na siya ay manalo, gayong habang siya’y nakaupo, bilang mambabatas bilang representante ng Las Pinas, ay wala man lamang siyang inihaing batas upang paigtingin pa ang pagkakaroon ng oportunidad sa trabaho sa kaniyang lugar?
Ma’am Camille, ikaw po ay isang mambabatas, gumawa ka ng batas. Pilitin mong ilaban at ipasa, hindi mo pwedeng gamiting argumento na kayo’y may negosyo at pwede kayong kumuha lamang ng mga empleyado bilang ambag sa pagsawata ng gobyerno sa malawakang kawalan ng trabaho sa bansa – dahil kung ayan lamang po ang iyong paniniwala, MARAPAT LAMANG NA MANATILI KA NA LANG BILANG ISANG KAPITALISTANG ANG TANGING HANGAD LAMANG AY ANG MAGPALAWIG NG IMPERYO’T OLIGARKIYA.
Paano naging “bagong boses” ang TRAPO na lumalagpas sa itinalagang gastos ng batas sa pangangampanya, gayong ito’y matagal nang paandar ng lumang pulitika? Tandaan na kung sino ang siyang malaki gumastos sa halalan, ay gagawa ng paraan upang makabawi sa oras ng pagkapanalo.
Paano naging “bagong boses” ang TRAPO na nangangakong paiigtingin ang karapatan ng bawat OFW, gayong wala man lamang siyang inakdang batas patungkol sa mga makabagong bayani? Nakaupo ka na, ma’am, bakit hindi mo ginawa? Hindi kailangan ng Pilipino ang bawat pangakong “gagawin mo”, dahil kailangan naming malaman ang sagot kung bakit noong habang ikaw ay mambabatas sa House of Representatives ay hindi ka gumawa ng sarili mong hakbang upang mapatotoo ang mga ipinapangako mo sa mamamayang Pilipino ngayon.
Hindi ikaw ang boses ng bagong gobyerno. Ang Villar ay BOSES NG LUMANG PULITIKA’T KORAPSYON na matagal nang umiiral sa bansang lalo lang nasasadlak sa pagdurusa. Hindi “bagong boses” ang galling sa political dynasty! hindi “bagong boses” ang pulitikong nanggaling sa pamilya ng mga kapitalistang oligarka! hindi “bagong boses sa gobyerno” ang pangangako gayong may pagkakataon ka nang gawin ang bagay na ipinapangako noon pa man, at lalong hindi “bagong boses” ng mamamayang Pilipino ang mambabatas na nagsulong ng Maharlika Investment Fund! – hindi iyan pagiging bagong boses ng mamamayang Pilipino, kundi isang halimbawa ng TRAPOng nagpapahirap sa bawat Pilipino.
BAGONG BOSES NGA BA? O ISA LAMANG ITONG PANIBAGONG MUKHA NG LUMANG PULITIKA NA PATULOY NA NAGPAPAHIRAP SA SAMBAYANANG PILIPINO?