IPA-TULFO SI CONG. RALPH TULFO!

DINAGSA ng ibat-ibang komento ng netizens ang pagkakahuli ng anak ni Sen. Raffy Tulfo sa pagdaan nito sa EDSA bus lane nitong nakaraang linggo.
Kinutya ng netizens ang senador na kilalang matatas magsalita sa mga lumalabag sa batas.
Pero bigla nag-iba ang pananaw ni Sen. Tulfo nang lumabag sa batas sa pagpasok sa EDSA bus lane ang kanyang anak na si Quezon City 2nd District Cong. Ralph Tulfo.
Sabi tuloy ng netizens lawmaker na, lawbreaker pa, saan pa kayo?
Imbes na disiplinahan daw itong anak na kongresista, tila ipinag-tanggol pa ng senador ito.
Hindi na lang pala isang beses na ginawa ng batang Tulfo na paglabag sa batas, pangalawang beses pa pala itong ginawa pati nang noong Enero 23.
Sinabi ni Sen. Raffy Tulfo na wala siyang nakitang mali o pagabuso ng anak niya sa pagdaan sa EDSA bus lane, dahil mahalaga ay hindi ito tumakas, hindi nagmura at hindi ito nagsinungaling.
Sa tingin pala ni Sen. Raffy na hindi mali ang pagdaan ng kanyang anak sa EDSA bus lane.
Kung hindi pala mali ito dapat hindi na ipinagbabawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpasok ng mga motorista sa daan na yan, ‘wag na rin nila tiketan ang mga nahuhuli nila na pumapasok riyan.
Hindi na rin dapat tinatawag na EDSA bus lane yan, kung hindi pala mali ang ginawang pagpasok ni Cong. Ralph Tulfo sa kalsada na yan.
Wala naman daw naganap na pagbanggit o paggamit ng pangalan ng sinumang nasa posisyon at wala rin nangyaring anumang pang-aabuso sa awtoridad para makalusot o mapawalang sala sa insidente.
Yan ang hirap sa inyong mga nakapwesto pag kayo nakagagawa ng kasalanan pinaninindigan nyo na tama kayo.
Matatandaan noong nakaraang Nobyembre umapela si Sen. Tulfo sa kaanak ng kapwa niyang senador na sakay ng SUV na dumaan din sa bus lane na aminin nito ang pagkakamali at isuko ang kanyang driver.
Ngayon dahil anak niya at incumbent kongresista pa ng 2nd District ng Lungsod Quezon (Ralph Tulfo) sasabihin niya na walang ginawang mali ang kanyang anak.
Wow ha! Exempted siya sa paggawa ng mali?! Sa barangay ka magpaliwanag sir!
Naalala ko tuloy ang naging kontrobersiya ng magkakapatid na Tulfo sa panahong nanunungkulan ang kanilang kapatid na si Wanda Tulfo sa Department of Tourism (DoT) na may kinalaman sa usapin ng milyun-milyong pisong pondo ng ahensiya. Hayun na naputol ang mga Tulfo sa DoT, nasibak ang kanilang sister.
Ay naku buhay nga naman ng Pinoy pag nakahawak na ng posisyon sa gobyerno ay nagiiba na ang pananaw sa buhay.
Yung pangyayari na yan nung Nobyembre pinagpaliwanag ni Sen. Tulfo ang MMDA at Department of Trans-portation (DOTR) ukol sa umanoy pagpapalusot sa mga ilegal na pumapasok sa bus lane ng EDSA.
Dati sinabi niyang ilegal ang pagpasok sa EDSA bus lane, nang anak niya na ang pumasok sa bus lane walang maling ginawa ito.
Ano yun? Laban o Bawi?
Paano na raw na kaya kung maging presidente na si Sen. Raffy Tulfo? Baka hindi lang bus lane ang pasukin ni Cong. Ralph Tulfo!
May umuugong na kasi na posible raw tumakbong si Presidente si Sen. Tulfo sa 2028 national and local elections.
Baka pagkatapos daw ng 2025 Midterm Election ay maging tatlo na ang senador dahil sina Erwin at Ben Tulfo ay tumatakbong mga senador.
Nasakop na ba ng mga magkakamaganak ang senado?
Ipa-TULFO na natin silang lahat kasama na si Ralph!