LAPEÑA, FAELDON TUMUGA NA MAY “TARA” SA BOC

LUMABAS sa isinagawang imbestigasyon ng Quadcom Committee ng House of Representatives kamakailan, na ang tinatawag na “TARA SYSTEM” o lagayan na nagkakahalaga ng sampung libong piso (P10K) sa bawat isang ng container sa Bureau of Customs (BOC) ay alam ng mga naging hepe ng Customs.
Sa matinding pagbusisi ng mga Kongresista sa mga naging hepe ng Customs, na sina Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon, inamin ng dalawa na may nangyayaring lagayan sa mga panahon ng kanilang panunungkulan sa BOC.
Kinumpirma rin ng dalawang opisyal na ito, na nagkakahalaga ng P10k bawat container ang inilalatag ng mga negosyante na dumadaan sa Bureau of Customs para mapabilis ang proseso ng mga ito at agad mailabas sa bakuran ng Aduana ang mga ito.
Maging sa pagtatanong ng mga Kongresista kay Mark Taguba, broker ng Bureau of Customs, inamin niyang may P10k “TARA” sa bawat container.
Inamin din ni Customs Intelligence Officer Jimmy Guban na may “TARA” system sa Customs.
Sa pagtatanong ni Antipolo City Representa-tive Romeo Acop, isa sa chairman ng Quad Committee sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, inamin nina Commissioners Lapeña at Faeldon na may “TARA” nga sa Customs.
Natanong din ni Rep. Acop kay Comm. Faeldon kung magkano ang nawawala sa gobyerno dahil sa nasabing “TARA”, sinabi ng dating Customs Commissioner na tinatayang nasa 27 bilyong piso (P27-B) ang nawawala sa kaban ng gobyerno dahil sa nasabing lagayan.
Aniya, sa nasa 2,500 na pirasong container kada araw na dumadating mula sa ibang bansa papasok sa Bureau of Customs, P27 bilyon ang nalulugi ng gobyerno.
Sa pagtatanong naman ni Rep. Acop kay dating Customs Chief Isidro Lapeña kinumpirma din niya ang sinabing halaga ni dating BOC Chief Faeldon.
Sa kabila ng pagamin nina Guban, Taguba, Lapeña at Faeldon, ay todo tanggi naman si Atty. Tristan Langkay, kasalukuyang Director ng Legal Service ng BOC na may nagaganap pang “TARA” ngayon sa Customs.
Naungkat sa pagdinig ng QuadCom na nagsimulang manungkulan si Atty. Langkay sa Cus-toms noon pang 2009, kung kayat labis na ipinagtataka ng mga mambabatas na hindi alam ng director ng Legal Service ang lagayan na nagaganap sa Customs.
Dahil sa patuloy na pagtanggi ng director ng Legal Service ng BOC na may “TARA” sa nasabing opisina, ay muntik na siyang ipa-contempt ng mga Kongresista.
Hindi kumbinsido ang mga Kongresista na sina Cong. Abante, Dan Fernandez, Acop, Barbers, na pawang chairperson ng QuadCom, dahil mas marami ang nagsasabi sa kanya na may “TARA” sa Customs.
Imbes na aminin ni Atty. Langkay na may “TARA” ay ibinaling niya kay Taguba na tukuyin nito at pangalanan at i-reklamo ang mga nasasangkot sa lagayan sa Customs. Sa pagtatanong ng ilang Kongresista kay Tagub,a ay sinabi nitong kung sila ang tatanungin ay ayaw nila ang “TARA”.
Kaya lang daw sila pumapatol sa lagayan, dahil wala silang magawa para maasikaso ang kanilang mga dokumento.
Dahil dito, nagalit si Rep. Abante na kailangan pang magsampa ng kaso si Taguba laban sa mga opisyal ng BOC na nasasangkot sa “TARA” system.
Ayon sa pagtatanong ng ROADNEWS Investigative Team (RIT), sa ilang nagnenegosyo sa Customs hindi sila naniniwala na hindi nakakarating sa tanggapan ng mga Commissioners ang pera na nagmumula sa “TARA.” “Kung wala silang (Commissioners) natanggap na pera mula sa “TARA”, bakit hindi nila ito maipatigil?” pagtatanong pa ng ilang nakapanayam ng RIT.
ROADNEWS INVESTIGATIVE TEAM