Tambalang Kim Chiu at Paulo Avelino, pinilit o kusang umalagwa?

ANG isa sa maiinit na love team ngayon sa pelikulang Pilipino o sa TV ay ang tambalan nina Kim Chiu at Paulo Avelino.
Gaano nga ba kapopular ang parehang ito?
O totoo bang sikat sila?
O prinograma ba ang katanyagan nila ng kanilang mga producer, handler, publicist, manager at iba pa?
Maraming paraan ng pagsikat o paghuli ng kiliti o interest ng publiko para piliin, subaybayan at tangkilikin ang isang artista o sa pagkakataong ito, tambalan ng mga bituin.
Nagsisimula ang lahat sa paghahain ng mga tagalikha o prodyuser sa mga tao bilang merkado (ang pangkalahatang pamilihan ng mga pelikula, TV show, recording, vlog, dula o anumang panoorin—likas man o sa plastic art o ng mga nilalaman nito, halimbawa’y mga artista, direktor, manunulat, anyo ng presentasyon kasama na rin ang buong porma ng medyum atbp.).
Dapat nating isaalang-alang na sa panig ngkomersyo o ekonomiya kahit sining—ang bawat panoorin o napapakinggan, halimbawa’y radyo o podcast ay produkto, may presyo man o wala.
Dahil ang mga ito ay prinodyus, ginamitan ng pamamaraan ng produksyon. Pinuhunanan—pera man o pagod, pawis, dugo, panahon, pagkamalikhain at iba pa.
May malay o conscious na pagpiprisenta o paglalahad o pagtatampok sa isang artista o tambalan o love team sa madlang pipol. Sa tulong ng makinarya ng publisidad (sa diyaryo man, magasin, radio at telebisyon o social media, halimbawa’y Facebook o X, ang dating Twitter etc.), naaayudahan o natutulungan na malaman o maging aware ang publiko na may ganito o ganireng produkto.
Halimbawa, sa teaser o pakita ng teleserye o drama ng kakambal na medyum ng TV—ipina-pakita sa iskrin ang mapanghalinang mga tagpo, halimbawa’y sampalan o love scene o sigawan o maaksyong bakbakan—inihahanda o hinuhulma ng patalastas o sneak preview ang utak kabilang ang damdamin ng mga manonood sa ibinibentang produkto para makita, tanggapin at sa katuusan, tangkilikin ito.
Sariwang-sariwa pa ang naganap sa pagpapasikat noon kay Sharon Cuneta ng Viva Films bagamat sa musika nagsimula ang tatagurian noong Megastar. May “Mr. DJ” na plaka noon si Sharon mula sa Vicor Music Corporation pero kailangang marinig ito ng mga tao kaya si Tato Malay mismo ang nagsabing magkiklik ang kanta ng magiging aktres kahit noong una, ani Tato, ay hindi siya pinaniwalaan pero binali niya ang tradisyon at nag-hit ang awitin.
Sinegundahan pa ito ng publisidad kaya nadoble ang kamalayan ng mga tagapakinig at tagahanga na siyang susuporta kay Cuneta.
Esep-esep ang mga namamahala sa karera ni Sharon kabilang ang kanyang mga magulang, ang namayapa niyang tatay na dating Pasay City mayor na si Pablo Cuneta. Kabilang din si Boss Vic del Rosario sa think-tank ng mga Cuneta.
Nang mga panahong ‘yon, inilunsad ng Regal Films ang mga Regal Babies na sina Maricel Soriano, Snooky Serna at Dina Bonnevie sa kaba-baihan at sina Gabby Concepcion, William Martinez at Albert Martinez naman sa kalalakihan.
Sharon-Gabby Puwera biro, ang Sining Silangan pa—isang kumpanya na nasa labas ng Viva Films—ang nakaisip na pagsamahin at ihain sa publiko sa pamamagitan ng pelikula, ang “Dear Heart,” ang tambalang Sharon-Gabby na hindi nagmintis ang tagumpay. Inaprubahan ng mga tagatangkilik ng pelikula ang tambalan kaya sinundan agad ito ng sangrekwang publisidad kaya naman mas dumami pa ang mga tagahanga nila. Marami ring pakulo ang ginanap lalo na ang love angle ng dalawa dahil sila ay ideyal na magkapareha o ideal couple—na siyang inaasam ng publiko para sa kanila at para kina Sharon at Gabby.
Sa madaling salita, sinakyan ng mga prodyuser (mga nauna at susunod pa) ang ilusyon at pangarap ng mga nanay at tatay, tiyo at tiya, kuya at ate atpb. at mismong ng mga kabataan noon na kasingedad o kaya’y humahanga na bagay at tama lang na magkatuluyan sa pelikula at sa tunay na buhay sina Gabby (guwapo, malakas ang dating sa masa, mangingibig atbp.) at Sharon (umaayon o repleksyon ng mga pang-kariwang Filipina ang ganda, ideyal na babae para sa guwapo at tisoy).
1980s pa ito pero subok na ang epekto sa pagbebenta ng produkto gaya ng pelikula at plaka. Ibang-iba ito sa nangyari kina Nora Aunor at Tirso Cruz III.
Mga huling bahagi ng 1960s at mga unang sigwa ng 1970s kung kailan at saan nag-aalimpuyo ang protesta sa pagbabago sa bulok sa sistema ng Lipunan.
Winasak ni Nora ang pamantayan na ang artista ay kailangang mestiza at ito ang lumabas na wagas na sentimiyento ng mas nakararaming Filipino noon sa paghanga kay Nora.
Nakikiisa sila kay Aunor na may talento sap pag-awit, sa mga pangarap nan ais matupad ng isang odinaryong taong may talion pero nagumpisa ang paghahain kay Guy sa midyum ng TV nang sumali siya sa “Tawag ng Tanghalan” at maging kampiyon.
Sinundan ito ng pagkuha sa kanya ni Buddy de Vera na magsaplaka ng mga kantang nagpa-pahayag ng damdaming pag-iibig kabilang ang tinatawag na bakya crowd at pangkaraniwang tao na siyang mga bumibili ng produkto ng Alpha Reocords na yumaman pa.