MAR VALBUENA: Excise Tax at Oil Deregulation Law Ipapawalang-bisa!
QUEZON CITY | Ilan sa mga party-list at senator aspirants ay nagpahayag ng kanilang mga pangako sa isang forum sa dito sa lungsod Quezon. Ilan sa mga pangako ng mga ito ang pagpapawalang bisa sa TRAIN Law, Oil deregulation Law, at ang pagbibigay ng world-class na edukasyon, kung sila ay mahalal sa darating na May 2025 Elections.
Pinuna ni Mar Valbuena, senatorial aspirant at kasalukuyang presidente ng grupong Manibela, ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo para sa mga jeepney, bus, at UV driver. Tahasang sinabi na P300 average ang nababawas sa kanilang kita araw-araw dahil sa mataas na presyo ng diesel.
Nanindigan siya na dapat bawasan ng gobyerno ang presyo ng mga produktong langis sa pamamagitan ng pagbabawas sa excise tax o suspindihin ang TRAIN Law.
Pinuna rin ni Valbuena ang panukalang taasan ang pamasahe mula P13 hanggang P15, na sinasabing hindi ito makakaapekto sa kanilang kita sa araw-araw.
Nagpahayag siya ng pag-asa na makipag-usap sya sa bagong DOTR Secretary Vince Dizon at hinimok si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na itigil ang pulitika at manindigan para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Tutol din si Valbuena sa pagsasapribado ng EDSA Bus way. Dagdag pa nito na ang ibang mga dayuhang bansa ay tumatangkilik sa mass transportation, ngunit bakit dito sa Pilipinas, mas maraming pribadong sasakyan ang mayroon.
Kung mahalal daw siya bilang Senador, ipapawalang-bisa ni Valbuena ang Oil Deregulation Law, isusulong ang pagpasa ng Valbuena Law, at mahigpit na ipatutupad ang TRAIN Law, partikular ang pagsuspinde ng Excise Tax kapag lumampas ang presyo ng produktong petrolyo sa itinakdang limitasyon.
Buboi Patriarca para sa RoadNews
