MURANG BIGAS NG NFA, MABIBILI NA!
ASAHAN natin na may mabibiling murang bigas sa ibat-ibang lugar sa bansa, matapos mag-release ang Department of Agriculture (DA) ng rice stocks ng National Food Authority (NFA) sa mga Local Government Units (LGUs) noong nakaraang Miyerkules, Pebrero 19, 2025.
Layunin ng pag-release ng NFA rice ay bilang tugon sa idineklarang ‘food security emergency’ kasunod ng malaking pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Sa isinagawang seremonya sa National Food Authority (NFA) warehouse sa Valenzuela City, si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., ay opisyal na nagbigay ng supply ng bigas kay San Juan City Mayor Francis Javier Zamora, na siya ring presidente ng Metro Manila Council at chairman ng Regional Peace and Order Council.
Ang NFA ay nag-release ng 25,000 metric tons ng bigas para sa isang buwang supply sa panahon ng ‘food security emergency’ at maaari pa itong madagdagan kung kinakailangan.
“This is just the beginning. We expect more local government units to participate in this effort, which will benefit not only Filipino consumers but also rice farmers,” ani Tiu Laurel, na chairman din ng NFA Council.
“With the P9 billion allocated by President Ferdinand Marcos, Jr., for NFA’s rice procurement this year, and the remaining funds from last year’s record purchases, we aim to buy even more palay from farmers,” anang hepe ng DA.
Itinaas ng NFA Council noong nakaraang taon ang hanay ng presyo ng palay procurement sa P23-P30 kada kilo para sa malinis at tuyong palay, at P17 kada kilo para sa basang palay. Dati, ang presyo ng palay buying ay mula P16 hanggang P23 kada kilo.
Noong nakaraang Pebrero 3, kasunod ng rekomendasyon ng National Price Coordinating Council, ang DA ay nagdeklara ng ‘food security emergency’ para patatagin ang presyo ng bigas.
Ang pagtaas ng presyo ng bigas ay bunsod ng pagbabawal ng India sa pag export sa non-basmati rice noong Agusto 2023 dahilan upang tumaas ang pandaigdigang demand at dahil sa mga alalahanin tungkol sa mababang ani mula sa El Nino noong unang bahagi ng 2024.
Sa kabila ng desisyon ni Pangulong Marcos na bawasan ang mga taripa ng bigas mula 35% hanggang 15% noong Hulyo, at pagbaba rin ng pandaigdigang presyo ng bigas matapos alisin ng India ang export ban nito noong Setyembre, ay hindi pa rin bumabalik ang presyo ng imported na bigas sa level ng presyo noong Hulyo 2023.
Sa data mula sa Philippines Statistics Authority, lumalabas na nagpapakita na sa huling bahagi ng Hunyo 2023, ang well-milled rice cost average na P45.25 per kilo, na may regional prices na mula sa P38.58 hanggang P51.13 per kilo.
Noong panahong iyon, ang halaga ng palitan ay P55.36 versus dolyar ng US, at ang pag-import ng bigas mula Vietnam ay tumaas lamang ng USD100 na mas mataas kaysa sa kasalukuyang mga presyo.
(Joselito Amoranto)
