Sa pagdami ng kaso ng Dengue:
OUTBREAK POSIBLENG IDEKLARA SA 8 LUGAR SA BANSA
NAGBABALA ang Department of Health (DOH) sa patuloy na pagdami ng nagkakaroon ng dengue na possible ang pagdedeklara ng outbreak sa 8 pang lugar sa bansa.
Unang nagdeklara noong nakaraang Sabado, Pebrero 9, ang Quezon City ng dengue outbreak. Hanggang noong Biyernes, Pebrero 14, nasa 1,769 katao na ang may dengue sa lungsod, kung saan sampu na ang nasawi na kinabibilangan ng mga menor-de-edad.
Ayon pa kay Health Spokesperson Asec. Albert Domingo tumaas pa ang kaso ng dengue sa walo pang lugar sa Metro Manila, kabilang ang Central Luzon at Calabarzon, na posibleng magdeklara rin ng outbreak sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, inatasan na ng DOH Centers for Health Development ang Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESUs) na makipag-ugnayan sa counterparts ng mga ito sa Local Government Unit (LGU) level.
Ayon sa batas, tanging ang opisyal ng LGU ang maaaring magdeklara ng local dengue outbreak.
Dahil dito, nagpaalala ang mga health experts na huwag mag-atubiling magpakonsulta sa espesyalista o magpa-ospital kapag nakaramdam ng mga sintomas ng sakit upang maiwasang lumala ang kondisyon na maaaring humantong sa kamatayan.
Sinabi naman ni Dr. Rontgene Solante, special diseases specialist sa San Lazaro Hospital, “(ka)pag ang lagnat ng isang tao, especially mga bata, tumatagal ng three days, dalhin na (agad) sa ospital.”
“Mas maigi na nandoon sa ospital, pila ka, makita ka ng doktor… Ang key diyan ay third day. ‘Pag third day, may lagnat pa, dalhin na sa ospital,” dagdag na payo ni Solante.
Ayon pa rito, may kakayahan ang mga ospital na magsagawa ng kumpletong blood count o CBC at batayan din ang hematocrit level at platelet count ng isang pasyente upang matiyak ang kanyang kondisyon o karamdaman.
“Kung pababa na ang platelet, pataas ang hematocrit, iyon yung isa sa mga warning signs [ng dengue]. Hindi na talaga papauwiin iyan, ina-admit na iyan,” ayon pa sa kanya.
“Hindi lang ito sa Quezon City. Kung titingnan mo ang trending sa mga iba’t ibang probinsiya, mga highly urbanized area—sa Baguio, Palawan, Cebu City—December, January, mayroon talaga tayong nakikitaan na tumataas ang mga kaso,” paliwanag pa ni Dr. Solante. Simula nitong bagong taon, nakapagtala na ang DoH mula Enero 1 hanggang 18 ng 10,842 kaso ng dengue.
(Joselito Amoranto)
