MMDA Cup Executive League 2025

IPINAMALAS ng mga executive at mga bosses mula sa iba’t ibang national government agencies at local government units sa Metro Manila ang kanilang husay sa sports, habang sinisimulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Cup ang Executive League nito noong Miyerkoles, ika-19 ng Pebrero 2025 sa PhilSports Arena, Pasig City.

Upang patuloy na mapaunlad ang pagkakaibigan at magagandang samahan sa mga kalahok na empleyado ng gobyerno, ang MMDA Cup 2025 – Executive League, ay pinagsama-sama ang mga executive at lider para sa isang friendly kompetisyon sa basketball (men’s), badminton (men’s and women’s doubles, at mixed), at bowling (mixed).

Pinangunahan ng mga opisyal ng MMDA, sa pamumuno ni Chairman Don Artes, ang opening ceremony. Nagsimula ito sa parada ng mga koponan para sa tatlong palakasan. Ang mga muse mula sa mga kalahok na koponan ay naglibot din sa venue, na ipinagmamalaki ang kanilang kagandahan at kakisigan. Ginawaran ng best muse si Erika Cassandra Ballon mula sa Pasig City.

Sa welcome remarks ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, sinabi nya na ang Executive League ay hindi lamang para ipagdiwang ang sportsmanship, kundi para isulong din ang malusog na pamumuhay sa mga tauhan ng gobyerno. “Ang aming mga executive ay madalas na nagtatrabaho nang lampas sa mga oras ng opisina at lubos na nakalantad sa stress, kaya sa pamamagitan ng liga na ito, pinagsasama-sama namin sila upang magbigay ng paraan para sa mas malusog na pamumuhay,” aniya.

Layunin din ng Executive League na maging platform ito para sa networking at camaraderie sa mga lider at top-management level officials.

Ang mga laro ay gaganapin tuwing weekends upang matiyak na walang harang na paghahatid ng mga serbisyo sa mga kalahok na tanggapan ng gobyerno. Hinikayat din ng tournament director na si Coach Pido Jarencio ang mga pamilya na panoorin ang mga laro sa kanilang libreng oras. Ang mga laro ay mapapanood din sa livestream sa pamamagitan ng opisyal na MMDA Cup Facebook page.

Inaasahang magtatapos ang liga bago matapos ang Marso ngayong taon.

Darwell Baldos