ANG PULITIKA, SERBISYO PA BA O NEGOSYO NA?

ALAM nating lahat na marami o halos lahat ng mga pulitiko, na kapag nanalo na sa posisyong tinakbuhan nila, ay totoo namang nagbabago ang antas ng pamumuhay, kahit na walang tinapos na mataas na pinag-aralan. Ika nga, DISKARTE lang ang pina-iiral nila.
Bakit nga ba nagbabago ang antas ng pamumuhay ng isang pulitiko, kapag naging lingkod-bayan na, tulad ng pagka-mayor, congressman, governor at iba pang mataas na posisyon sa gobyerno.
Una, mayroong nakalaang Confidential Fund para sa kanilang tanggapan.
Pangalawa, may porsyento (SOP 10%) sa mga proyektong pang-bayan, kaya kadalasang nakikita natin maayos pa ang kalsada ay tinutuklap na ng backhoe upang e-rehabilitate umano.
Pangatlo, ito ang matindi, proyekto mo kontrata mo! Kayat hayahay ang buhay dahil sa kickback sa bawat proyekto!
Mga proyekto sana na p’wede namang e-divert para sa kapakanan ng marami nating kababayan na naghihikahos, kaya sila napipilitang tanggapin ang AYUDA na nanggagaling sa mga kandidato kaya’t tanggap doon tanggap dito, ang mga botante dahil kapag ganitong panahon ng halalaan ay nararansan nilang kumain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa AYUDA na galing sa pulitiko.
Kawawang Juan dela Cruz, biktima na ng kahirapan, biktima na naman ng panibagong mga pangako.
Kaya’t panigurado, pagkatapos ng halalan sa Mayo, siguradong magtatamasa ang mga mananalo sa ilang piling mga negosyo o maaaring kasosyo sila sa negosyo. Kaya’t huwag magtaka kung meron itong bagong mga sasakyan o merong bagong bahay na ipinatatayo sa loob lamang ng kanilang termino. Pero sabi naman ng iba, meron din namang tunay na serbisyo para sa kanyang nasasakupan ang inuuna ng ilang politiko.
Sabi nga, magpapakitang gilas para makaulit sila sa susunod na halalan.
O, di ba? Diskarteng tunay ang pinagagana ng isang trapong politiko!
