Coco Martin, isusugal ang buhay at career para kay Katherine Luna

MATAGAL, malawak at malalim ang pinagsamahan nina Coco Martin at Katherine Luna.
Kung may tambalan sa showbiz na higit na kontrobersyal at makulay, ito ay ang love team nina Coco at Katherine.
Nagsimula ang ugnayan nina Martin at Luna nang gawin nila ang pelikulang “Masahista” na idinirek ng pamoso, premyado at pandaigdig na alagad ng sining ng pelikula na si Brillante Ma. Mendoza.
Noon ay nasa ikalawang kabanata ng kanyang pag-aartista si Coco mula nang siya ay madiskubre ng namapayapang direktor sa pinilakang tabing na si Deo ‘Dikong’Fajardo, Jr., ang tagapagdiskubre at tagapag-alaga nina Rudy Fernandez, Robin Padilla, Michael Rivero at marami pang iba.
Rodel Salvador pa ang screen naman noon ni Coco, mula sa kanyang tunay na pangalang Rodel Nacianceno at sa ibininyag naman sa kanya ni Deo na Salvador.
Pero sisinghap-singhap noon ang karera sa showbiz ng bagitong aktor.
Kung saan-saan nga namin nakikita noon si Martin mula nang bumitiw siya kay Fajardo, Jr. at nakilala naman ang aktor at talent manager kinalaunan na si Ihman Basas Esturco katuwang si Julio Diaz. (Hinawakan muna ni Coco Simo si Coco Martin, bago napunta sa poder nina Esturco at Diaz kalagitnaang bahagi ng dekada 90s. Ed.)
Si Ihman ang ikalawang nakatuklas kay Coco sa mga panahong sumasama na ang pakiramdam ni Deo hanggang sa tuluyan na nga siyang pumanaw.
Naiwan kay Basas Esturco ang kapalaran ni Rodel Salvador na noon ay pinalitan na ang screen name at ginawa nang Coco mula sa inspirasyon sa pangalang Coco Simo.
Ang Martin naman ay pinagtulungnang buuin nina Ihman at Simo.
Noon namang panahong ‘yon ay kalulunsad pa lamang sa isang solong obra meastra si Katherine para sa pelikulang “Babae sa Breakwater”, katambal ang namayapang actor na si Christopher King, na idinirek naman ng matinik, mahusay, tanyag at astig na director na si Mario O’Hara.
Bale ang kapalaran nina Coco at Katherine ay halos sabay sa pagsikat sa mga gitnang bahagi ng 2000.
At sa “Masahista” nga ay nabuo ang pag-iibigan nina Coco at Kath.
Hanggang kahit matapos ang pelikula ay malapit pa rin sa isa’t isa sina Martin at Luna.
Nagmahalan sila nang wagas pero naghiwalay rin dahil sa mga prayoridad na pag-usad ng indibidwal na pag-aartista.
Dahil premyado na ang “Masahista” sa iba’t ibang bahagi ng mundo, lalo pang lumutang ang pangalan ni Coco samantalang si Katherine ay inalok ng iba’t ibang malalaking kumpanya na magbida sa kanilang mga proyektong pelikula.
Kahit sa mga publisidad ni Coco ay nadawit si Katherine lalo na ang isyu na may anak ang batang aktor sa seksing aktres.
Nagulantang ang buong showbiz nang malaman nitong may anak pala si Martin kay Luna mula sa pahayag ng bituing babae sa media.
Pinagpistahan ang isyung ito hanggang naputol na ang komunikasyon ng dalawang bituin.
Gayunman, nakapirma pa sa Viva Films si Kath at nakagawa ng ilan pang pelikula.
Samantala, paakyat na nang paakyat ang popularidad ni Coco.
Si Luna naman ay natigil ang paggawa ng pelikula pagkatapos ng kanyang kontrata kay Boss Vic del Rosario.
Hanggang nasa rurok ng tagumpay si Martin, samantalang bagsak naman sa kangkungan si Luna nang malulong siya sa ipinagbabawal na gamot.
Hanggang makatagpo siya ng iba pang pag-ibig at nagka-anak.
Samantala, upang makatiyak naman na sa kanya nga ang batang ipinanganak ni Kath, nagpa-DNA si Coco para sa katahimikan nang lahat.
Ang resulta: Negatibo.
Walang dugong Nacianceno ang anak ni Kath na si Nicole.
Dumaan pa ang mga araw ay lalo pang lumugso ang buhay ni Katherine nang dahil sa bisyo.
Ang masakit at nakulong pa siya nang dahil sa droga.
Apat na taon ang kanyang ginugol sa piitan at nang dahil dito, nais niyang magbago.
Ngayon ay humihingi ng tawad si Kath sa dating kasintahan sa ginawa niyang pagbabando sa buong mundo na kay Coco ang kanyang panganay na anak.
Nang makarating sa bida ng “FPJ’s Batang Quiapo” ang lahat, sinabi niyang matagal na niyang napatawad ang dating katipan.
Ngayon ay isasama pa ni Coco sa kanyang teleserye sa ABS-CBN si Katherine at tiyak na maganda ang magiging pagganap nito rito dahil mahusay at de-kalibreng aktres ang dalaga.
Nagkadipresniya rin sa mata si Luna kaya ipapa-opera rin ng aktor-prodyuser-direktor ang kanyang dating minamahal.
Lahat nga ay gagawin ni Coco para sa pinagsamahan nila ni Kath.
Kahit career o buhay niya ay isisugal para sa kaligayahan ng babae.
Hindi basta-basta lang nagpapasok sa istorya ng “FPJ’s Batang Quiapo” si Coco pero sa pagkakataong ito, subok ang husay ni Katherine sa pag-arte kaya walang problema.